Monday, September 14, 2026

Tagas ng basurang mina mula sa San Antonio Pit, patuloy na sumisira sa ilog ng Mogpog

MOGPOG, Marinduque — Patuloy na lumalala ang epekto ng basurang mina mula sa San Antonio Pit na dumadaloy sa ilog ng Mogpog, batay sa isinagawang pagsusuri ng Task Force San Antonio nitong Huwebes, Setyembre 10.

Tiningnan ng task force ang kalagayan ng naturang ilog mula Barangay Bocboc hanggang sa creek na nagmumula sa Paadjao Falls. Kasama sa pagsusuri ang Marinduque Council for Environmental Concerns (Macec) at iba pang ahensya ng pamahalaan.

Batay sa kanilang obserbasyon, lumalala pa ang epekto ng waste dump sa paligid ng San Antonio Pit, na pinanggagalingan ng basurang mina na dumadaloy at naiipon sa kahabaan ng ilog ng Mogpog.

Ayon kay Macec executive secretary Elizabeth Manggol, kapansin-pansin ang pagbabago sa kulay ng tubig habang tinatahak ang ilog patungo sa lugar ng San Antonio Pit.

“Kulay orange naman ang aming nakita pagkatapos ng kulay berde at patingkad nang patingkad ang kulay kalawang na ito hanggang sa defective na Maguila-guila Siltation Dam, hanggang sa paanan ng San Antonio Pit,” pahayag ni Manggol.

Dagdag niya, mataas din ang acidity ng tubig batay sa isinagawang testing ng Municipal Environment and Natural Resources Office (MENRO) ng Mogpog.

Makikita rin sa mga larawang ibinahagi ng Macec ang tinatawag na acid mine drainage (AMD)—tubig na lubhang acidic at maaaring may dalang toxic heavy metals na nabubuo kapag ang mga mineral na may sulfur, gaya ng pyrite, ay nalalantad sa hangin at tubig dahil sa pagmimina.

Ang naturang acid mine drainage ay patuloy nang dumadaloy sa ilog mula pa noong dekada 1990, nang magsimula itong mapunta sa naturang daluyan ng tubig.

Samantala, nakatakdang magtapos ngayong Setyembre ang deadline para kompletuhin ng pamahalaang panlalawigan ng Marinduque ang mga kinakailangang dokumento para sa nakatakdang $100 milyon na pondong inilaan ng Barrick Gold Corporation, alinsunod sa kasunduang nilagdaan noong 2025.

Inaasahang gagamitin ang pondo para sa rehabilitasyon ng mga lugar na naapektuhan ng pagmimina, kabilang ang mga lugar na may kaugnayan sa Maguila-guila Dam na patuloy na binabantayan dahil sa kalagayan nito.

Ang Task Force San Antonio, na inorganisa sa pamumuno ni Mogpog Mayor Senen Livelo, ay nakatuon sa patuloy na monitoring sa kalagayan ng ilog ng Mogpog at sa pagtukoy ng mga konkretong hakbang upang matugunan ang mga epekto ng basurang mina sa nasabing lugar. -- Larawan mula sa Macec/Marinduquenews.org