Monday, June 30, 2025

Mensahe ni Gov. Presbitero Velasco sa pagtatapos ng kanyang termino


Sa isang punto ng aking buhay, hindi ko inasahan na muling magbabalik sa serbisyo publiko, lalo na sa larangan ng pulitika. Bilang isang retiradong hukom, inaasahan ko na mag-eenjoy na lamang sana sa mas tahimik na buhay pagkatapos ng mahabang taon ng paglilingkod sa hudikatura.

Ngunit, sa kabila ng lahat ng aking naranasan at natamo sa aking buhay, naramdaman ko na may higit pa akong magagawa para sa ating minamahal na lalawigan ng Marinduque.

Nakita ko na ang ating probinsya ay patuloy na nanatiling isang 4th class na lalawigan, na puno ng mga hamon at pagkakataon na hindi pa ganap na napapakinabangan. Dahil dito, nagpasya akong sumuong sa isang mas mahirap na daan upang mapabuti ang ating kalagayan. Ito ay isang desisyon na puno ng sakripisyo, hindi lamang sa aking personal na buhay kundi pati na rin sa aking pamilya.

Ang pagsabak ko sa pulitika ay isang hamon na hindi ko inaasahan, ngunit isang hamon na tinanggap ko nang buong puso at malasakit, sapagkat ang ating probinsya ay may napakalaking potensyal na matagal nang hindi natutumbasan ng mga konkretong hakbang.

Sa loob ng anim na taon ng aking panunungkulan bilang Gobernador, ang aking layunin ay mapabuti ang kalagayan ng ating mga kababayan sa mga pangunahing aspeto ng buhay: tubig, kuryente, imprastruktura, at mga proyektong pang-ekonomiya. Pinangunahan ko ang mga hakbang upang matugunan ang ating mga pangangailangan, at itaguyod ang mga proyektong magbibigay ng mas magaan at mas maginhawang buhay sa bawat Marinduqueno.

Ang bawat proyekto ay isinagawa upang mapalago ang ating ekonomiya at mapabuti ang kalidad ng ating mga serbisyong pampubliko. Sa bawat hakbang, nagsilbing gabay ko ang malasakit sa bawat isa sa atin, at ang pagkakaroon ng tapat at mahusay na pamamahala. At nagpapasalamat ako sa inyong lahat sa inyong pakikiisa dahil nagbunga ang ating mga pagsisikap, tayo ay naging 2nd class province na.

Ang pagtakbo ko sa puwestong ito ay isang malaki at hindi madaling sakripisyo dahil kung nais ko lamang, maaari ko sanang ipagpatuloy ang buhay ng pagreretiro at mag enjoy sa mga bagay na mas personal.

Ngunit hindi ko kayang hayaan na ang Marinduque ay patuloy na maghintay ng isang mas magandang bukas. Kung kaya’t ang librong ito ay isang pagninilay at pag-aalala sa mga nagawa natin, mga tagumpay sa loob ng anim na taon ng paglilingkod. Ito ay isang legasiya na magpapaalala sa atin na kahit sa kabila ng mga pagsubok, kaya nating magsanib-puwersa upang magtagumpay, isang halimbawa ng pagkakaroon ng maayos at tapat na gobyerno na may malasakit sa bawat isa.

Sa pagtatapos ng aking panunungkulan, nais kong magpasalamat mula sa kaibuturan ng aking puso sa bawat Marinduqueno na tumulong, nagtiwala, at nakipaglaban kasama ko sa bawat hakbang ng ating pamahalaan. Hindi ko magagampanan ang mga proyektong ito nang mag-isa. Ang inyong suporta, lakas, at malasakit sa ating mga proyekto, programa, at mga inisyatiba ay nagsilbing sandigan sa bawat tagumpay na ating natamo.

Tinulungan ninyo ako upang maging mas matatag at magpatuloy sa pagtahak sa landas na magdadala sa ating probinsya sa mas magandang bukas.
Maraming salamat sa inyo mga minamahal na mga Marinduqueno at magsilbing gabay at inspirasyon nawa ang ating mga natutunan sa nakalipas na anim na taon sa susunod na henerasyon, gayundin ang ating mga nagawang pagbabago.

Kung kaya’t ang librong ito ay alay ko sa bawat Marinduqueno. Tayo, bilang mga Marinduqueno, ay patuloy na magtatagumpay sa bawat hamon ng buhay.

Narito ang kopya ng Tatay Gov's Legacy.