MOGPOG, Marinduque — Umabot sa 56,550 pasahero ang dumating sa lalawigan ng Marinduque sa kasagsagan ng holiday season, ayon sa ulat ng Philippine Ports Authority (PPA)-Balanacan Port Management Office.
Batay sa datos ng PPA, mula Disyembre 20 hanggang 31, 2025, naitala ang 214 barkong dumating at 210 barkong umalis sa rutang Balanacan Port, Marinduque–Talao-Talao Port, Lucena City. Sa nasabing panahon, umabot sa 49,770 ang bilang ng mga pasaherong dumating, habang 24,922 naman ang lumuwas.
Sa bilang ng mga sasakyang lulan ng barko, naitala ang 7,914 rolling cargoes o malalaking sasakyan at 3,215 motorsiklo na dumating sa lalawigan habang 4,730 malalaking sasakyan at 1,115 motorsiklo ang naitalang umalis.
Samantala, mula Enero 1 hanggang Enero 4, iniulat ng PPA na may 58 barkong dumating at 59 barkong umalis sa Balanacan Port. Sa panahong ito, umabot sa 6,780 pasahero ang dumating sa Marinduque, habang 16,702 pasahero naman ang lumuwas patungong Lucena.
Sa bilang ng mga sasakyan, 953 pribadong sasakyan at truck at 143 motorsiklo ang dumating mula sa Talao-Talao Port, habang 7,939 malalaking sasakyan at 2,718 motorsiklo ang naitalang umalis.
Sa kabuuan, mula Disyembre 20, 2025 hanggang Enero 4, 2026, umabot sa 272 ang bilang ng biyahe ng mga barko na dumating at 269 ang bilang ng biyahe ng mga barko na umalis sa Balanacan Port. Tinatayang 56,550 pasahero ang dumating sa Marinduque, habang 41,624 pasahero naman ang lumuwas palabas ng lalawigan.
Sa aspeto ng rolling cargoes, umabot sa 8,867 pribado at commercial vehicles at 3,358 motorsiklo ang dumating, habang 7,939 sasakyan at 2,718 motorsiklo ang naitalang umalis.
Ipinapakita ng mga datos na ito ang mataas na daloy ng mga pasahero at sasakyan sa Marinduque sa panahon ng kapaskuhan at bagong taon, patunay sa patuloy na pagdagsa ng mga umuuwing residente at mga turistang bumibisita sa lalawigan. -- Marinduquenews.com
