Friday, January 9, 2026

, ,

Pampasaherong bangka mula OrMin, nagkaaberya; 50 indibidwal pa-Marinduque nailigtas ng PCG


GASAN, Marinduque -- Mabilis na rumesponde ang Philippine Coast Guard (PCG)–Gasan sa isang pampasaherong bangka matapos magkaaberya ang makina habang bumibiyahe mula Pinamalayan, Oriental Mindoro patungong Gasan, Marinduque bandang 12:00 nitong Biyernes, Enero 9.

Ang MBCA Emarsan, na may sakay na 50 pasahero at 250 sako ng bigas, ay nakaranas ng engine trouble sa layong humigit-kumulang 5.5 nautical miles mula sa baybayin ng Barangay Bachao Ibaba, Gasan. Ayon sa ulat ng purser ng bangka, nagkaroon ng sira sa mechanical transmission na naging sanhi ng pagkamatay ng makina ng sasakyang pandagat habang papalapit sa Gasan Pier.

Matapos matanggap ang ulat, agad na isinagawa ng PCG ang beripikasyon at rescue protocols. Isang rescue team na may kasamang motorbanca ang ipinadala sa lugar at matagumpay na nahila ang MBCA Emarsan patungong Gasan Port. Isa pang motorbanca ang nagbigay-tulong upang masigurong ligtas ang operasyon at ang pag-asikaso sa nasirang motorbanca.

Ligtas at nasa mabuting kalagayan ang lahat na mga pasahero habang nanatiling buo at walang pinsala sa mga kargamento. Kinumpirma ng kapitan ng bangka na ang aberya sa makina ay sanhi ng pagkasunog ng clutch lining, na nagresulta sa pagkawala ng propulsion. Inatasan ng PCG ang may-ari ng bangka na tiyaking maisagawa ang kinakailangang pagkukumpuni at siguraduhing magkaroon ng sea trial bago muling pahintulutang bumiyahe ang MBCA Emarsan.

Patuloy na pinananatili ng Philippine Coast Guard ang mahigpit na pagbabantay at mga operasyon sa kaligtasan sa karagatan upang matiyak ang proteksyon ng mga pasahero, kargamento, at sasakyang pandagat sa katubigan ng bansa. -- Marinduquenews.com