GASAN, Marinduque -- Boluntaryong sumuko sa mga awtoridad ang suspek na namaril sa mag-ama at empleyado ng isang agricultural training center sa Brgy. Masiga, bayan ng Gasan nitong Linggo, Pebrero 22.
Kinilala ang suspek bilang farm supervisor at kasalukuyang nagta-trabaho sa nasabing training center na tubong Nueva Ecija.
Ayon kay Police Colonel Cornelio Tadena, Jr. hepe ng Marinduque Police Provincial Office (PPO), nakipag-ugnayan sa kanya ang suspek kaninang umaga para magpahayag ng boluntaryong pagsuko.
Dakong 7:30 ng umaga, personal na pinuntahan ni Tadena kasama ang iba pang opisyal ng Gasan Municipal Police Station (MPS) upang tiyakin ang maayos at payapang pagsuko ng suspek.
"Ang boluntaryong pagsuko ng suspek ay nagpapakita ng bisa ng pinaigting na koordinasyon sa pagitan ng pulisya at komunidad," pahayag ni Tadena.
Dagdag pa ng hepe, "Ang mapayapang pagsuko ng suspek at ang pagsuko ng baril ay mahalagang hakbang tungo sa agarang pananagutan. Tinitiyak namin sa publiko na ang Marinduque PPO ay kikilos nang naaayon sa batas at may mahigpit na paggalang sa due process upang matiyak ang makatarungan at maayos na paghahatid ng hustisya."
Samantala, kaakibat ng pagsuko ng suspek ay ang pagturn-over ng baril na pinaniniwalaang ginamit sa naturang insidente.
Sa kasalukuyan, ang suspek ay nasa kustodiya ng Gasan MPS para sa kaukulang dokumentasyon para sa inquest proceedings habang ang isinukong baril ay sasailalim sa masusing forensic examination upang matukoy ang kaugnayan nito sa krimen bilang bahagi ng nagpapatuloy na imbestigasyon.
Inihahanda na ng mga awtoridad ang pagsasampa ng kasong multiple frustrated murder at paglabag sa Republic Act No. 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act laban sa suspek. -- Marinduquenews.org
