MOGPOG, Marinduque -- Nanganganib na masuspinde ang operasyon ng Starhorse Shipping Lines sa rutang Lucena–Marinduque ngayong Semana Santa dahil sa hindi pa nababayarang multa na halos umabot sa ₱10 milyon, ayon sa ulat.
Batay sa impormasyong inilathala ng Abante, nagmula ang naturang halaga sa mga paglabag ng ilang barko ng kumpanya sa mga patakaran ng Philippine Ports Authority (PPA). Kabilang sa mga paglabag ang umano’y hindi tamang pagtatapon ng waste mula sa mga barko mula Pebrero 19, 2025 hanggang Pebrero 11, 2026.
Dahil dito, posibleng hindi na payagang gumamit ng mga pasilidad ng PPA ang Starhorse sa mga pantalan ng Lucena City at Balanacan, Mogpog, Marinduque hangga’t hindi nito nababayaran ang mga obligasyon.
Iniulat din na dalawang beses nang nagpadala ng pormal na abiso ang PPA kay Starhorse Shipping General Manager Merian Reyes, subalit hindi umano ito tinugunan.
Dagdag pa rito, paso na ang accreditation ng kumpanya sa PPA mula pa noong Enero 2025. Ayon sa umiiral na regulasyon, hindi ito maibabalik hangga’t hindi nababayaran ang lahat ng multa at iba pang obligasyon.
Kabilang sa mga barkong pinatawan ng parusa ang Virgen de Peñafrancia II, V, VI, VII, VIII, IX, X, XI, XII, at XV, gayundin ang Viva San Lorenzo Ruiz.
Sa gitna ng inaasahang pagdagsa ng mga pasahero ngayong Semana Santa at sa paggunita ng Moriones Lenten Rites, posibleng magdulot ng abala sa mga biyahero ang naturang isyu, lalo na sa mga planong bumiyahe patungong Marinduque. Patuloy namang hinihintay ang pahayag ng pamunuan ng Starhorse Shipping hinggil sa usapin. -- Marinduquenews.org
