Tuesday, November 25, 2025

DOST nagsagawa ng coral reef blocks monitoring sa Torrijos



TORRIJOS, Marinduque -- Patuloy na pinagtitibay ng Department of Science and Technology (DOST) ang kanilang adbokasiya para sa pangangalaga at rehabilitasyon ng marine ecosystem sa probinsya sa pamamagitan ng masusing pagmo-monitor ng kalagayan ng mga coral reef blocks sa Torrijos White Beach sa Brgy. Poctoy.

Nitong Martes, Nobyembre 25 ay isinagawa ang Comprehensive Coral Reef Blocks Monitoring sa pangunguna ni William Masoleda mula sa Provincial Science and Technology Office. Layon ng aktibidad na magsagawa ng agarang pagtugon at assessment kaugnay ng naging epekto ng nagdaang mga bagyong Tino at Uwan, partikular sa tibay, kondisyon, at seguridad ng mga coral reef blocks at ng marine habitat na nakapaligid dito.

Isinagawa ang monitoring sa pamamagitan ng koordinasyon sa Municipal Environment and Natural Resources Office (MENRO), na patuloy na katuwang ng DOST sa pagpapatupad ng mga proyektong nakatuon sa marine conservation at pangangalaga ng likas yaman ng Torrijos.

Ayon kay Masoleda, ang regular na pagsusuri sa kalagayan ng coral reef blocks ay mahalagang hakbang upang masiguro na patuloy na malabanan ang coastal erosion at mapangalagaan ang mga tirahan ng marine species na may direktang benepisyo sa kabuhayan ng mga lokal na mangingisda.

Sa pagpapatuloy ng mga programang pangkalikasan at teknolohiyang nakatuon sa karagatan, higit pang napalalakas ang kakayahan ng komunidad na mapanatili ang malinis, produktibo, at ligtas na marine environment para sa kasalukuyan at susunod na henerasyon. -- Marinduquenews.com