Wednesday, November 26, 2025

Bidding sa Kapitolyo, live na napanood sa Facebook



BOAC, Marinduque -- Sa kauna-unahang pagkakataon, live na nasaksihan ng publiko sa pamamagitan ng Facebook ang isinagawang bidding ng Pamahalaang Panlalawigan ng Marinduque sa ilalim ng Bids and Awards Committee (BAC) ngayong Miyerkules, Nobyembre 26.

Ang hakbang na ito ay bahagi ng pagtalima at pagpapatupad ng Executive Order No. 1 na nilagdaan ni Gov. Melecio Go noong Hulyo 1, 2025, sa kanyang unang araw bilang gobernador. Layunin ng kautusan na patatagin ang Full Disclosure Policy ng lalawigan sa pamamagitan ng paglalagay ng transparency boards, at regular na pagpo-post ng mahahalagang dokumento at transaksiyon sa opisyal na website at social media platforms ng Kapitolyo.

“Ang Executive Order No. 1 ay naglalayon ng full disclosure and transparency ng local government transaction dito sa ating Kapitolyo,” pahayag ni Gov. Go sa kanyang mensahe. Dagdag pa niya, ang paggamit ng social media at website ay tugon ng administrasyon upang higit pang maging bukas, tapat, responsable, at tumutugon sa pangangailangan ng mga Marinduqueño ang pamahalaang panlalawigan.

Isa sa mga napanood sa Facebook Live ay ang bidding para sa Botilao Farm-to-Market Road (PRDP) Project na nagkakahalaga ng ₱65 milyon.

Pinuri naman ng mga netizen ang pagsasapubliko ng naturang proseso. Ayon kay Pastor Randy Briones, “Good job po sa ating BAC para sa transparency and accountability na nagpapakita sa tamang tahakin ng mga proyekto sa ating lalawigan.”

Nagpahayag din ng karagdagang suhestiyon si Hernan M. Madrigal na ayon sa kanya, “Okay ’yan! Sana pati pre-bid conference ay live na isagawa.”

Sa pagsisimula ng naturang transparency initiative, umaasa ang pamahalaang panlalawigan na mas mapalalakas pa ang tiwala ng mamamayan at masiguro ang tamang paggamit ng pondo para sa mga proyektong tunay na makatutulong sa bawat Marinduqueno. -- Romeo A. Mataac, Jr/Marinduquenews.com