Thursday, December 4, 2025

,

3 bayan sa Marinduque, positibo sa bird flu


TORRIJOS, Marinduque — Tatlong bayan sa Marinduque ang nakapagtala ng kaso ng bird flu (Avian Influenza) matapos magpositibo ang ilang manok at bibe sa isinagawang pagsusuri ng Department of Agriculture-Bureau of Animal Industry (DA-BAI) Animal Disease Surveillance Team, katuwang ang mga Municipal Agriculture Offices at ang Provincial Veterinary Office (ProVet).

Sa social media post ni Dr. Josue Victoria, provincial veterinarian, ang mga nagpositibo sa pagsusuri ay mula sa mga sample na nagmula sa mga bayan ng Gasan, Mogpog, at Torrijos. Batay sa clinical laboratory report, nakitaan ng malinaw na indikasyon ng bird flu ang ilang alagang poultry sa nasabing mga lugar.

Nilinaw naman ni Victoria na bagama't may mga naitalang nagpositibo sa tatlong nabanggit na bayan ay hindi aniya nakahahawa sa tao ang H5N7 na virus gayundin walang dapat ipangamba ang publiko sapagkat hindi naman naabot ang bahagdan para maideklarang may outbreak ng bird flu sa probinsya.

Patuloy rin ang pinaigting na animal disease monitoring at surveillance ng ProVet-Animal Disease Quick Response Team sa mga apektadong komunidad at mga karatig-barangay upang mapigilan ang pagkalat ng sakit. Kabilang sa mga hakbang ang paghihigpit sa pagpasok ng day-old chicks, ready-to-lay pullets, at iba pang uri ng ibon at poultry species sa lalawigan.

Hinihinala ng ProVet Team na maaaring nagmula ang naturang "peste" sa mga illegal na trader ng sisiw mula sa labas ng lalawigan. Hindi rin isinasantabi ang posibilidad na may kaugnayan dito ang mga sasabunging manok at ang pagdating ng migratory birds, na kilalang posibleng tagapagdala ng virus.

Sa kasalukuyan, tiniyak ng ProVet na kontrolado ang sitwasyon at nagpapatuloy ang mahigpit na pagbabantay laban sa mga naglalako ng sisiw, pullets, at mga manok panabong na ilegal na ipinapasok sa isla.

Patuloy na hinihikayat ng mga awtoridad ang publiko, lalo na ang mga nag-aalaga ng manok at bibe, na maging mapagmatyag at agad mag-report ng anumang kahina-hinalang sintomas sa kanilang alagang hayop upang mapanatiling ligtas ang buong lalawigan mula sa pagkalat ng bird flu. -- Marinduquenews.com