Thursday, December 4, 2025

Mogpogueno, wagi sa regional award ng 2025 Search for Outstanding Volunteers


MOGPOG, Marinduque — Kinilala si Kyle David V. Atienza bilang regional awardee sa Individual–Youth Category ng katatapos lamang na 2025 Search for Outstanding Volunteers (SOV)-National Outstanding Volunteer Award (NOVA) para sa Rehiyon ng Mimaropa -- pagpupugay sa kaniyang natatanging ambag bilang kabataang tagapagtaguyod ng edukasyon sa Marinduque na dating DOST scholar.

Inirekomenda si Atienza ng Provincial Science and Technology Office, sa pangunguna ni Provincial S&T Director Bernardo T. Caringal, dahil sa kaniyang kahanga-hangang pamumuno, matatag na dedikasyon sa paglilingkod-bayan, at mga makabuluhang programang nakatuon sa edukasyon. Siya ang founder at executive director ng The Street Classroom kung saan pinamunuan din niya ang Pangarap ng Puso Project, 4Ps para sa 4Ps, at ang Angat Basa Center.

Bukod sa pagiging aktibo sa iba't ibang adobokasiyang pang-edukasyon, si Atienza ay kasalukuyang senior education program specialist ng Department of Education (DepEd) sa Marinduque.

Kwento ni Atienza, hindi n'ya pangarap maging guro bagkus, pagiging beterinaryo ang kursong nais n'yang kunin sa kolehiyo subalit nagbago ang lahat nang magsunud-sunod ang mga pagsubok na dumating sa kanilang buhay.

Nariyan na nasalanta ng bagyo ang kanilang tahanan sinundan ng paghihiwalay ng kaniyang mga magulang dahilan para mapilitan silang magkakapatid na manirahan sa kanilang lolo at lola. “Life was hard—talagang mahirap ang buhay,” aniya.

Sa gitna ng pagsubok, hindi s'ya nawalan ng pag-asa bagkus ay napagkalooban ng Department of Science and Technology (DOST)-Science Education Institute ng scholarship upang makapagpatuloy sa isang priority S&T program sa Marinduque State College—isang oportunidad na nagbukas ng bagong direksiyon sa kaniyang buhay.

Sa mensahe sa mga kabataan, kanyang binigkas, “To everyone—especially to fellow youth—allow yourselves to be weak. Allow yourselves to be used. Becoming an instrument of change is one of the bravest things we can ever do. Because sometimes, it is in our weakness that purpose is born,” ani Atienza.

Samantala, nagpaabot din si Atienza ng taos-pusong pasasalamat sa mga institusyong gumabay at naniwala sa kaniyang kakayahan. “To the Philippine National Volunteer Service Coordinating Agency, the DEPDev Regional Office Mimaropa, the DOST-Provincial S&T Center Marinduque, and my Street Classroom family—thank you for seeing the potential in my weakness. I hope my story inspires others to serve, even when they feel unready, uncertain, or weak.”

Bilang regional awardee, si Atienza ang magsisilbing opisyal na kinatawan ng Mimaropa sa pambansang antas ng 2025 SOV–NOVA na natakdang isagawa ngayong Disyembre.

Ang kuwento niya ay patunay na ang pagsisilbi ay hindi nasusukat sa edad o kalagayan sa buhay—bagkus ay sa puso at kagustuhang magbigay-inspirasyon at maghatid ng pagbabago sa kapwa. -- Romeo A. Mataac, Jr/Marinduquenews.com