Wednesday, December 3, 2025

,

50 benepisyaryo ng Tupad sa Marinduque, sasailalim sa organic farming at driving training


BOAC, Marinduque — Sumailalim sa oryentasyon ang 50 benepisyaryo ng programang Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers o TUPAD na isinagawa nitong Miyerkules, Nobyembre 26 sa Capitol Car Park, Boac.

Sa naturang batch, 30 benepisyaryo ang nakatakdang sumailalim sa Driving National Certficate II training, habang 20 benepisyaryo naman ang para sa Organic Farming. Ang pagsasanay ay inihahatid ng Pamahalaang Panlalawigan sa pamamagitan ng Livelihood, Manpower Development & Public Employment Service Office (LMD-PESO), katuwang ang Department of Labor and Employment (DOLE) at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), bilang bahagi ng patuloy na suporta sa pagpapalawak ng oportunidad sa kabuhayan at kasanayan ng mga mamamayan.

Layunin ng programa na mabigyan ang mga kalahok ng praktikal na kaalaman at pagsasanay sa loob ng 15 araw, na magbubukas ng mas mataas na antas ng kahandaan sa trabaho. Pagkatapos ng pagsasanay, makatatanggap ang mga benepisyaryo ng Driving NC II at Certification of Registered Organic Farming, depende sa kursong kanilang nilahukan.

Bilang kinatawan ni Gov. Melecio Go, nagbigay ng mensahe si Executive Assistant at Chief of Staff Atty. Marianne Mondragon-Gawaran, na nagpahayag ng kasiyahan sa aktibong pakikiisa ng mga benepisyaryo. Aniya, patunay ito ng determinasyong matuto, magbago, at umunlad. Dagdag pa niya, ang mga ganitong pagsasanay ay mahalagang hakbang tungo sa financial stability at mas maraming oportunidad sa trabaho.

Samantala, tiniyak ng pamahalaang panlalawigan ang patuloy na suporta sa mga programang mag-aangat sa kabuhayan ng bawat Marinduqueño. -- Marinduquenews.com