Thursday, December 18, 2025

,

Dahilan ng pagkaantala ng sweldo ng mga JO at COS sa Kapitolyo, nilinaw ng PTO


BOAC, Marinduque — Nilinaw ng Provincial Treasurer’s Office (PTO) o Tanggapan ng Panlalawigang Ingat-Yaman ang mga dahilan sa likod ng umano’y pagkaantala sa pasahod ng mga Job Order (JO) at Contract of Service (COS) personnel ng Kapitolyo, kasabay ng panawagan para sa tamang pag-unawa sa umiiral na proseso ng pamahalaang panlalawigan.

Base sa pahayag ng PTO sa kanilang Facebook page, patuloy aniyang nagsusumikap ang tanggapan na magbigay ng maayos, mabilis, at tapat na serbisyo, lalo na sa pagpoproseso ng mga bayarin gaya ng suweldo ng mga regular na empleyado, JO, at COS. Giit ng tanggapan, malinaw na itinatakda ng Local Government Code ang mga pangunahing tungkulin ng Provincial Treasurer’s Office na kinabibilangan ng revenue generation, pangangalaga at paglalabas ng pondo, financial reporting at transparency, at pagtiyak ng fiscal discipline.

Ipinaliwanag din ng PTO na may mga itinakdang rekisitos na kailangang matupad bago maisama sa payroll ang mga JO at COS. Kabilang dito ang pagkakaroon ng wastong kontrata bago magsimula ang serbisyo, Tax Identification Number (TIN) para sa tamang remittance ng buwis, pagsusumite ng Daily Time Record (DTR) at accomplishment report na pirmado ng kinauukulang hepe.

Kapag kumpleto na ang nasabing mga dokumento, saka pa lamang ihahanda ang payroll na kinakailangang dumaan sa ilang tanggapan para sa beripikasyon ng pondo at masusing awdit. Kabilang sa mga ito ang Provincial Budget Office, Provincial Accounting Office, Provincial Treasurer’s Office, at Provincial Governor’s Office.

Dagdag pa ng PTO, tanging kapag kumpleto na ang lahat ng lagda at aprubal saka lamang maaaring mag-cash advance ang mga kahera. Mayroon ding mga voucher na kinakailangang pirmahan ng accountant, treasurer, at ng gobernador bago tuluyang mailabas ang pondo.

Binigyang-diin ng tanggapan na isa lamang ang PTO sa maraming opisina na dinadaanan ng mga dokumento, at maaari lamang itong mag-disburse ng pondo kung may sapat na alokasyon at kung ang lahat ng proseso ay dumaan sa wastong awdit. Nilinaw rin na hindi saklaw ng tungkulin ng PTO ang pag-asikaso ng mga attachments na kinakailangan para sa payroll, alinsunod sa itinatakda ng batas.

Dahil dito, iginiit ng PTO na hindi makatarungang isisi ang pagkaantala sa iisang tao o opisina lamang. Bilang paalala, hinikayat ng tanggapan ang publiko na alamin muna ang buong proseso at pangyayari bago maglabas ng akusasyon, lalo na sa social media, sapagkat ang tamang impormasyon ang susi sa patas at makatarungang pag-unawa. (Photo: PPIO) -- Marinduquenews.com