BOAC, Marinduque — Nilinaw ni Gov. Melecio J. Go na walang anumang pondo ng pamahalaan ang ginastos sa paglalabas ng executive order (EO) na kumikilala kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. bilang adopted son ng lalawigan ng Marinduque.
Ayon kay Go, narinig n'ya ang mga katanungan at agam-agam ng mga mamamayan hinggil sa EO No. 46 na kanyang nilagdaan at personal na ibinigay sa pangulo kaya't nais niyang klaruhin na malinaw ang layunin nito. "Let me be clear, walang public funds na ginastos dito. No legal rights created. Walang binagong batas," wika ng gobernador.
Ipinaliwanag ni Go na ang deklarasyon ay pagkilala sa mga hakbang ng Pangulo laban sa katiwalian, partikular sa kanyang paninindigan laban sa mga anomalya, pagsusulong ng pananagutan at transparency, at ang hangarin para sa malinis na pamahalaan at inklusibong kaunlaran. Aniya, ang mga adhikaing ito ay hindi lamang para sa iilan kundi nakikinabang ang lahat ng Pilipino, kabilang ang mga taga-Marinduque.
Binigyang-diin din ng gobernador na bihira ang pagkakataon para sa mga provincial governor na direktang makaharap at makausap ang Pangulo. “Kapag may ganitong pagkakataon, sinisigurado naming may kabuluhan ito,” ani Go, sabay paliwanag na ang EO ay bahagi ng relationship-building sa pambansang pamahalaan.
Dagdag pa niya, mahalaga ang ganitong ugnayan upang maihanda ang lalawigan sa oras na mangailangan ito ng suporta mula sa national government. “When Marinduque needs national support, we've already laid the groundwork."
Sa halip na kwestiyunin ang mga executive act matapos itong maisakatuparan, hinikayat ni Go ang publiko na tanungin kung makabubuti ba ito sa lalawigan. "But rather than questioning executive acts after the fact, we should ask: does this benefit the province? Kung makatulong sa Marinduque, and this kind of relationship-building clearly does, then support it," pahayag pa ng punong lalawigan.
Binanggit din ng gobernador na ang mga proyektong pang-imprastraktura, pondo para sa kalamidad, at mga pambansang programa ay hindi awtomatikong naibibigay. Aniya, nagiging posible ang mga ito dahil sa maayos na ugnayan at koordinasyon ng mga lokal na opisyal sa pambansang gobyerno. -- Marinduquenews.com
