Tuesday, December 16, 2025

,

EO ni Go na kumikilala kay Marcos na adopted son ng Marinduque, kinuwestiyon ng bokal


BOAC, Marinduque -- Kinuwestiyon ng isang bokal mula sa Santa Cruz ang legalidad ng executive order na nilagdaan ni Gov. Melecio Go na kumikilala kay Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. bilang 'adopted son' ng Marinduque.

Sa Facebook post ni 2nd District Board Member Ishmael Lim, kanyang sinabi na, "Ang pagdeklara bilang 'adopted son' ng isang lalawigan ay gawaing pang lehislatibo at hindi pang-ehekutibo.

Aniya, ang paggagawad ng nasabing titulo ay ginagawa sa pamamagitan ng pormal na ordinansa o resolusyon na inihain at pinagtibay ng mayorya ng mga kasapi ng sanggunian at hindi sa pamamagitan ng isang executive order na inisyu ng tanggapan ng punong lalawigan.

Dagdag pa ni Lim, "Para kang nag-ampon sa ngalan ng lalawigan na ikaw lamang mag-isa, without the knowledge o pagsang-ayon ng mga kababayan mo."

Naglakip din ang bokal ng ilang impormasyon patungkol sa magkaibang mandato ng dalawang sangay ng pamahalaan -- ang executive at legislative branches.

Samantala, umani ng iba’t ibang reaksyon mula sa mga netizen ang naging hakbang ni Gobernador Go. Marami ang tumuligsa sa pagdedeklara kay Pangulong Marcos Jr. bilang adopted son ng lalawigan, habang ang ilan naman ay nagpahayag ng pagsuporta.

"Pili-pili naman ng aampunin. Not everyone deserves the title," wika ng isang netizen.

"Ayos iyan. Baka makahingi ng pondo si Gov. para maipaayos ang mga problema sa Marinduque tulad ng ospital, port sa Buyabod at ang problema sa kuryente," pagsang-ayon naman ng isa.

Matatandaan na noong Hulyo, idineklara rin bilang 'adopted daughter' ng Marinduque si Vice President Sara Duterte-Carpio sa pamamagitan ng Resolution No. 10 series of 2022 na ipinasa ng 16th Sangguniang Panlalawigan. -- Marinduquenews.com