BOAC, Marinduque -- Magandang balita sa pagsalubong ng bagong taon dahil makatatanggap ng dagdag-sahod ang mga minimum wage earners at mga kasambahay sa rehiyon ng Mimaropa simula Enero 1, 2026.
Batay sa Wage Order No. RB-Mimaropa-13 na inilabas ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB) nitong Disyembre 4, itinatakda sa ₱455 ang bagong daily minimum wage ng mga manggagawa sa pribadong sektor sa rehiyon.
Ang nasabing umento ay mula sa dating ₱430 para sa mga establisimyentong may 10 empleyado pataas, at mula naman sa ₱404 para sa mga establisimyentong may mas mababa sa 10 manggagawa. Ayon sa RTWPB, ipatutupad na ang iisa at pantay na minimum wage rate sa buong Mimaropa, anuman ang laki o bilang ng manggagawa sa isang kumpanya.
Samantala, itinaas din ang minimum na sahod ng mga kasambahay sa lahat ng lalawigan sa rehiyon sa ₱7,000 kada buwan, katumbas ng ₱500 na pagtaas mula sa dating ₱6,500.
Layunin ng wage increase na matulungan ang mga manggagawa na makasabay sa patuloy na pagtaas ng gastusin sa pamumuhay at mapabuti ang kanilang kabuhayan, habang isinasaalang-alang ang kakayahan ng mga employer at ang pangkalahatang kalagayan ng ekonomiya sa rehiyon. -- Marinduquenews.com
