MAKATI CITY, Metro Manila -- Hinangaan at naging usap-usapan ng mga netizen ang ipinamalas na husay sa pagho-host ng Kapuso star at PBB Diligent Wonderson ng Marinduque na si Michael Sager sa katatapos lamang na 51st Metro Manila Film Festival (MMFF) Gabi ng Parangal na ginanap nitong Sabado, Disyembre 27 sa Dusit Thani sa Makati City.
Marami sa mga manonood ang nagpahayag ng positibong reaksiyon sa social media, kung saan pinuri ang natural na karisma, malinaw na pananalita, at kumpiyansang pagdadala ni Sager sa prestihiyosong pagtitipon ng industriya ng pelikulang Pilipino.
Ayon sa ilang netizen, kapansin-pansin na kayang-kayang makipagsabayan ni Sager sa mga batikang host tulad nina Enchong Dee at KaladKaren, na kapwa nagsilbi ring emcee sa naturang okasyon. Dagdag pa nila, maayos ang kanyang timing, mahinahon ang delivery, at may mahusay na pakikitungo sa kapwa hosts at mga panauhin.
Dahil dito, marami ang naniniwala na bukod sa kanyang kakayahan bilang aktor, may malaking potensiyal din si Sager bilang isa sa mga bagong hahangaan at maaasahang host ng kanyang henerasyon sa mga malalaking programa at espesyal na okasyon sa telebisyon at entertainment industry kagaya ng PBB at national pageant competition.
"Michael Sager carried himself like a true master of ceremonies at MMFF 2025. His presence was calm yet commanding, effortlessly guiding the audience with clarity and confidence throughout the event," pahayag ng isang netizen sa Facebook.
"Can I just say I really admire @michaelsager_'s hosting skills? Like ang gaan niyang panoorin, super natural, walang pilit, and he really knows how to connect with the audience," komento ng isang netizen sa X.
Samantala, lubos naman ang kasiyahan at pasasalamat ni Sager na nabigyan s'ya ng pagkakataon na maging kabahagi ng MMFF Gabi ng Parangal 2025.
"Earlier this year I prayed to be a part of the MMFF. God gave me more than I prayed for. Super grateful to have hosted the premiere nights for all eight films and Gabi ng Parangal," post ni Sager sa kanyang Facebook.
Nagdarasal naman si Michael na sa susunod na taon ay nais muli n'yang maging kabahagi ng MMFF na hindi lamang host bagkus ay bilang artista at cast member ng isang pelikula. "Praying next year, may entry na rin." (Photo from PEP) -- Marinduquenews.com
