TORRIJOS, Marinduque — Isang araw matapos ang pagdiriwang ng Pasko, isang dolphin ang natagpuang wala nang buhay sa dalampasigang sakop ng Sitio Yamog sa Barangay Tigwi, Torrijos, ngayong gabi ng Biyernes, Disyembre 26.
Sa Facebook post ni Roberto Macdon, hepe ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO), gabi na ng maipabatid sa kanilang tanggapan ang sinapit ng kaawa-kaawa at duguang lumba-lumba.
Makikitang duguan ang kaawa-awang lumba-lumba. (Larawang kuha ni Roberto Macdon)
Agad namang rumesponde ang mga kawani ng MDRRMO kasama ang Municipal Environment and Natural Resources Office (MENRO), gayundin ang mga opisyal ng barangay, upang magsagawa ng paunang assessment at wastong disposisyon sa nasabing hayop-dagat.
Sa kasalukuyan, inaalam pa ang sanhi ng pagkamatay ng dolphin kasabay ng pagpapaabot sa mga mamamayan ng babala na kapag may namataang buhay na dolphin sa karagatan ay huwag itong sasaktan bagkus ay iingatan at aalagaan sapagkat endangered o nanganganib ng maubos ang kanilang uri o species. -- Maridnuquenews.

