BOAC, Marinduque -- Pumanaw na si dating first district board member, Bernadine Opis-Mercado o mas kilala bilang Bokal Dindin.
Ayon sa post ni Teacher Romelie Mangui, "May your soul Bokal Dindin Opis rest in peace. Nakakabigla naman po. Isa sa napakabait na parent ng aking estudyante sa ICC before, napakalambing at 'di makalimot."
Nagpaabot din ng pakikiramay si dating Vice Governor Adeline Angeles, na nagpahayag ng pasasalamat sa naging serbisyo ni Opis-Mercado sa lalawigan. Ayon sa kanya, mahalagang bahagi ng pamana ng 16th Sangguniang Panlalawigan ng Marinduque ang mga makabuluhang panukalang batas na inakda ni Bokal Dindin.
"Thank you Bokal Bernadine "Dindin" Opis-Mercado for your service to our province and communities. As part of the 16th Sangguniang Panlalawigan of Marinduque, the numerous important provincial legislations you authored are important part of the legacy of our leadership," wika ni Angeles.
Samantala, sa isang opisyal na pahayag, sinabi ni Boac Mayor Armi Carrion, “Sa ngalan ng pamahalaang bayan ng Boac, lubos po ang aming pakikiramay sa pamilya, kaibigan, at lahat ng minamahal ni Bernadine ‘Dindin’ Opis Mercado. Isa siyang tapat at masipag na lingkod-bayan na buong pusong naglingkod sa lalawigan at bayan ng Boac.”
Nahalal si Opis-Mercado bilang bokal ng unang distrito noong May 2022 national and local elections. Bago ito, nagsilbi siya bilang barangay captain ng Mataas na Bayan at kalaunan ay naging konsehal ng bayan ng Boac.
Ang kanyang malasakit, integridad at dedikasyon sa serbisyo-publiko ay mananatiling inspirasyon ng bawat Marinduqueno at ang kanyang iniwang halimbawa ng tapat na paglilingkod ay hindi malilimutan ng mga mamayang kanyang pinaglingkuran. -- Marinduquenews.com
