MOGPOG, Marinduque -- Nasawi ang isang lalaki matapos tumalon mula sa naglalayag na barko ng Starhorse Shipping Lines na biyaheng Lucena Port patungong Balanacan Port, Mogpog hapon ng Linggo, Nobyembre 8.
Ayon sa ulat ng Philippine Coast Guard (PCG), bandang 5:23 p.m. nang mamataan ng mga pasahero at tripulante ang lalaki na biglang tumalon sa dagat mula sa M/V Virgen de Peñafrancia XVI.
Batay pa sa pagsusuri sa CCTV footage ng barko at sa salaysay ng kapitan, nakitang kusang umakyat at tumalon ang pasahero mula sa guardrail sa kaliwang bahagi ng barko.
Agad namang nagsagawa ng rescue operation ang mga tripulante at Coast Guard personnel na nakatalaga sa barko. Sa kabila ng maalon na kondisyon ng dagat na nagpahirap sa paglapit ng sasakyang-dagat, matagumpay na nakuha ng onboard Coast Guard sea marshal na si Seaman First Class Galicia ang pasahero bandang 5:37 ng hapon.
Isinailalim sa paunang cardiopulmonary resuscitation (CPR) ang biktima habang nagpapatuloy ang biyahe ng barko patungong Balanacan Port.
Pagdating sa pantalan, mabilis na sinalubong ng rescue team ang biktima at agad na isinugod sa Marinduque Provincial Hospital subalit tuluyan itong binawian ng buhay habang nilalapatan ng lunas kung saan asphyxia by drowning ang idineklarang ikinamatay nito.
Labis na ikinabigla at lubos na nagdadalamhati ang asawa ng biktima na nagsabing nagpaalam lamang ang kanyang mister na tutungo sa Batangas subalit ang hindi n'ya batid ay sumakay na pala ito ng barko na patungong Marinduque.
Samantala, hindi pa inilalabas ng PCG ang pagkakakilanlan ng biktima at ang posibleng dahilan sa likod ng insidente. -- Marinduquenews.org
Thursday, November 5, 2026
Local, News
Lalaki nasawi, matapos tumalon mula sa barko na biyaheng Marinduque
