Friday, October 23, 2026

Cartagena, nilinaw na 'di na kailangan ang pirma ng gob sa pagpapalabas ng ₱3.2B

BOAC, Marinduque — Nilinaw ni Provincial Legal Officer Benedict S. Cartagena na hindi na kailangan ang lagda ng gobernador upang mailabas ang humigit-kumulang ₱3.2 bilyong settlement funds matapos ang termination date ng escrow agreement.

Sa official press statement na inilabas nitong Biyernes, Oktubre 23, sinabi ni Cartagena na batay sa liham ng J.P. Morgan Chase Bank, N.A., Singapore Branch, na nagsilbing escrow agent, maaari nang ilabas ang pondo sa pamamagitan ng tagubilin mula lamang sa Barrick Mining Corporation matapos ang termination date noong Oktubre 4.

Ayon pa kay Cartagena, sa ilalim ng Section 3.4(b) ng kasunduan, hindi na angkop ang joint instructions na nangangailangan ng lagda ng gobernador.

BASAHIN: ₱3.2B paunang bayad sa settlement agreement ng Barrick Gold, naideposito na

Kasunod ito ng paglilipat noong Oktubre 16 ng unang bayad na US$50.71 milyon sa trust fund account ng pamahalaang panlalawigan, sa kabila ng hindi paglagda ni Go sa naturang kasunduan.

Kinuwestiyon naman ng gobernador ang hakbang umano ng ilang miyembro ng Sangguniang Panlalawigan na nag-aatas na lagdaan ang joint instructions.

BASAHIN: 8 bokal, iginiit kay Go na igalang ang desisyon ng CA 

Nagbabala ang pamahalaang panlalawigan na maaaring maapektuhan ng writ of garnishment ang humigit-kumulang ₱800 milyon na may kaugnayan sa dating legal counsel ng lalawigan, ang Salazar Enrile Defensor & De Mata Law Offices (SedaLAW).

Nag-ugat ang usapin sa 25-porsiyentong contingency fee sa Legal Services Agreement na nilagdaan noong Marso 23, 2022, kaugnay ng US$100-milyong settlement para sa pinsalang dulot ng sakuna sa minahan ng Marcopper.

Nauna nang pinagtibay ng Court of Appeals ang bisa at pagiging makatwiran ng kasunduan sa bayad sa abogado ngunit hinamon ito ng administrasyon ni Go sa Korte Suprema dahil sa paniniwalang labis ang bayad at dapat ibatay sa aktuwal na serbisyong naibigay.

BASAHIN: Kampo ni Go, ligwak sa SedaLaw; 25% contingency fee, makatwiran ayon sa CA

Nilinaw din sa pahayag na hindi nangangahulugang naibayad o naibawas na sa law firm ang tinatayang ₱800 milyon na tinukoy sa usapin ng garnishment.

Sa kabila nito, sinabi ng pamahalaang panlalawigan na tinatanggap nito ang pagpapalabas ng settlement funds, ngunit iginiit na dapat matiyak ang wastong pangangalaga at paggamit ng pera para sa kapakinabangan ng mga mamamayan, lalo na ng mga komunidad na naapektuhan ng sakuna sa Marcopper.

Wala pang itinakdang iskedyul para sa rehabilitasyon ng mga apektadong lugar, habang nagpapatuloy ang usapin sa Korte Suprema. -- Marinduquenews.org