Monday, February 23, 2026

, ,

Mag-ama at 1 empleyado, sugatan sa pamamaril sa Gasan


GASAN, Marinduque -- Sugatan ang mag-ama kabilang ang isang empleyado matapos maganap ang kaguluhan na humantong sa pamamaril sa Brgy. Masiga, bayan ng Gasan, gabi nitong Linggo, Pebrero 22.

Batay sa ulat ng Marinduque Police Provincial Office naganap ang insidente bandang 10:45 pm kung saan ay bigla na lamang pinagbabaril ng suspek ang lalaking may-ari ng Fazendas Agri-Productivity and Training Center.

Sa paunang impormasyon, lumalabas na ang suspek ay nagta-trabaho rin sa nasabing training center na tubong Nueva Ecija.

Samantala, pinaputukan din nang baril ng suspek ang isang babaeng anak ng may-ari ng sakahan. Kasama rin sa tinamaan ng baril ay ang isang lalaki na tauhan ng Fazendas. Sa kabuuan, tatlo ang nasugatan sa insidente.

Agad dinala ang mga biktima sa Marinduque Provincial Hospital para sa paunang lunas at kalaunan ay inilipat sa isang ospital sa Quezon province para sa karagdagang gamutan.

Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya habang tinutugis ang suspek na umano'y armado ng baril. -- Marinduquenews.org