Thursday, March 5, 2026

,

Maraming empleyado ng Kapitolyo 'di maka-sweldo; kawalan ng prov'l treasurer itinuturong dahilan


BOAC, Marinduque — Patuloy na naghihintay ang maraming empleyado ng pamahalaang panlalawigan Marinduque sa kanilang sahod matapos maantala ang pagproseso ng payroll dahil sa bakanteng posisyon ng Provincial Treasurer.

Ayon kay Governor Melecio Go, nauunawaan niya ang hirap na nararanasan ng mga kawani na umaasa sa kanilang sweldo.

“Alam kong marami sa ating mga kawani ang naghihintay sa kanilang sahod. Naiintindihan ko kung gaano ito kabigat, lalo na para sa mga pamilyang umaasa sa kanilang sweldo,” pahayag ni Go.

Ipinaliwanag ng gobernador na ang pangunahing dahilan ng pagkaantala ay ang kawalan ng provincial treasurer, matapos aniyang umalis sa posisyon ang dating treasurer noong Enero. Aniya, kinakailangan ang pirma ng Provincial Treasurer sa payroll documents upang maiproseso ang sahod ng mga empleyado.

“Kapag walang Treasurer, walang payroll,” ani Go, na idinagdag pang naapektuhan din ang iba pang financial transactions ng pamahalaang panlalawigan.

Bukod dito, lumitaw din umano ang mas malalim na suliranin sa sistema kung saan ay natuklasan noong Pebrero na sa loob ng maraming taon ng mga nakaraang administrasyon ay walang naitalagang Assistant Treasurer o kwalipikadong staff na maaaring pansamantalang pumalit o gumanap sa tungkulin sakaling mabakante ang posisyon ng Provincial Treasurer.

Ipinaliwanag din ni Go na sa ilalim ng Local Government Code, ang Provincial Treasurer ay itinatalaga ng Kalihim ng Department of Finance (DOF), habang ang papel naman ng provincial government ay ang magrekomenda ng mga kwalipikadong kandidato para sa naturang posisyon.

Sa kasalukuyan, nasa Maynila umano ang gobernador upang makipagpulong sa DOF at Regional Development Council (RDC) upang maayos ang sitwasyon at makahanap ng pangmatagalang solusyon.

Humingi rin ng paumanhin si Go sa mga apektadong kawani ng pamahalaang panlalawigan.

“Humihingi po kami ng paumanhin sa ating mga kawani. Ginagawa namin ang lahat upang maayos ito agad at upang hindi na ito maulit pa,” aniya. -- Marinduquenews.org