BOAC, Marinduque — Patay ang isang 60-anyos na lalaki matapos malunod habang naliligo sa dagat sa Barangay Ihatub, Boac, Marinduque, Sabado ng tanghali, Hunyo 27.
Kinilala ang biktima na si Arnulfo Jawili Velasco, residente ng Barangay Mahinhin, Boac.
Batay sa ulat ng pulisya, bandang 12:45 ng tanghali nang makatanggap ng tawag ang Boac Municipal Police Station mula sa Marinduque Provincial Tactical Operations Center (PTOC) hinggil sa insidente. Agad namang rumesponde ang mga imbestigador at iba pang tauhan ng pulisya upang magsagawa ng beripikasyon at paunang imbestigasyon.
Ayon kay Melita Maalindog Grana, kinakasama ng biktima, nagtungo sila sa beach kasama ang kanilang mga kapitbahay para sa isang outing.
Bago ang insidente, nag-iinuman umano si Velasco kasama ang kanilang mga kapitbahay. Nang mapansing nakainom na ito ng alak, pinayuhan umano siya ni Grana na huwag nang lumangoy, lalo na't hindi ito bihasa sa paglangoy.
Sa kabila ng babala, nagtungo pa rin si Velasco sa dagat at lumangoy nang mag-isa, may layong tinatayang 10 metro mula sa pampang. Makalipas ang ilang sandali, bigla na lamang umano itong nawala sa paningin.
Humingi agad ng tulong si Grana sa kanilang kapitbahay ngunit hindi nila agad natagpuan ang biktima. Dahil dito, humingi sila ng saklolo sa mga opisyal ng barangay, na agad namang nakipag-ugnayan sa Bureau of Fire Protection (BFP) Boac at Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) para sa search and rescue operation.
Sa isinagawang paghahanap, natagpuan ng mga recuers ang biktima na nakadapa sa ilalim ng tubig. Siya ay narekober ni SFO1 Emmanuel Magcarang at agad na isinugod sa Marinduque Provincial Hospital.
Idineklarang dead on arrival ang biktima bandang 1:35 ng hapon.
Batay sa medical findings, acute respiratory failure secondary to drowning o matinding pagkabigo sa paghinga dulot ng pagkalunod ang sanhi ng kanyang pagkamatay.
Samantala, tumanggi ang kinakasama ng biktima na isailalim sa awtopsiya ang labi nito, dahil naniniwala siyang isang purong aksidente ang nangyari at walang indikasyon ng foul play.
Patuloy namang nagpapaalala ang mga awtoridad na magdobleng ingat at huwag ng maglangoy pa sa dagat kapag nasa impluwensya ng alak. -- Marinduquenews.org
