BOAC, Marinduque — Pormal nang inilunsad ang kauna-unahang pickleball tournament sa Marinduque na isinagawa sa Good Game Pickleball Courts na matatagpuan sa Barangay Laylay, Boac.
Dumalo sa naturang gawain sina dating Congressman Lord Allan Velasco at Mayor Armi Carrion, na sa unang pagkakataon mula nang matapos ang halalan noong 2025 ay muling nakitang magkasama sa isang pampublikong programa.
Sa kanyang mensahe, nagpahayag ng pasasalamat si Carrion kay Velasco sa patuloy nitong suporta sa pagpapaunlad ng sports sa lalawigan.
"Sa pamamagitan ng kanyang pagsisikap at pananaw, naipatayo ang pasilidad na ito na tiyak na magiging sentro ng pagkakaisa, pagkakaibigan, at malusog na kompetisyon para sa ating mga mamamayan," wika ng alkalde.
Ayon pa kay Carrion, ang paglulunsad ng pickleball tournament ay isang mahalagang hakbang sa pagpapalawak ng mga pasilidad pang-isports sa Marinduque, lalo na sa panahong patuloy na sumisikat ang pickleball bilang isa sa pinakamabilis lumaganap na sports sa bansa.
Umaasa rin ang alkalde na magsisilbing inspirasyon ang bagong pasilidad sa mga kabataan upang yakapin ang aktibo, disiplinado, at malusog na pamumuhay sa pamamagitan ng palakasan.
"Nawa’y maging daan ito upang mas marami pang mamamayan ang mahikayat na makilahok sa sports, mapaunlad ang kanilang talento, at mapalakas ang kanilang pangangatawan at pagkatao," dagdag pa ni Carrion.
Samantala, hinihikayat din ni Velasco ang mamamayan na tangkilikin at umaasa s'ya na lalo pang dumami ang mga manlalaro ng pickleball sa probinsya.
"Alam naman po natin na ang pickleball ay sobrang booming na sports na talaga and it seems na hindi na po ito titigil. Hopefully, it becomes part of palarong pambansa and olympics," wika naman ng dating mambabatas.
Inaasahang magiging sentro ang Good Game Pickleball Courts ng mga lokal na torneo, pagsasanay, at iba pang aktibidad na magpapalawak sa komunidad ng pickleball sa Marinduque at magbibigay ng mas maraming pagkakataon sa mga residente na makibahagi sa isports. -- Marinduquenews.org
