Saturday, June 27, 2026

, ,

Dolphin, natagpuang patay sa Gasan


GASAN, Marinduque — Isang female false killer whale (Pseudorca crassidens), na kilala rin sa lokal na katawagang dolphin, ang natagpuang patay ng mga mangingisda sa karagatan malapit sa Tres Reyes Island sa Barangay Pinggan, Gasan.

Ayon sa ulat, agad na rumesponde ang ProVet–Marinduque Animal and Wildlife Rescue Emergency Response Team (MAWRERT) matapos makatanggap ng magkahiwalay na report mula kay Municipal Agriculturist Vanessa Tayaba at Gasan MDRRMO Chief Anthony Zoleta hinggil sa insidente.

Kasama ang mga senior veterinary students ng Capiz State University (CapSU), nagsagawa ang grupo ng necropsy o awtopsiya upang matukoy ang posibleng sanhi ng pagkamatay ng marine mammal.

Batay sa paunang resulta ng pagsusuri, walang natagpuang malinaw na panlabas o panloob na pinsala na maaaring magbigay ng tiyak na dahilan ng pagkamatay nito.

Gayunman, nakita sa necropsy ang pagdurugo sa itaas na bahagi ng magkabilang baga, matinding pamumuo ng dugo sa puso, at indikasyon ng hydronephrosis o pamamaga ng bato. Napag-alaman din na walang laman ang tiyan at bituka ng hayop, na nagpapahiwatig na matagal na itong hindi nakakakain bago namatay.

Wala ring nakitang anumang parasitic infestation sa katawan ng balyena.

Bukod dito, napatunayang buo ang tympanic membranes at auditory ossicles o bahagi ng pandinig ng hayop, kaya't malabong dulot ng blast fishing, dinamita, o matinding ingay sa ilalim ng dagat ang naging sanhi ng pagkamatay nito.

Bagama't hindi pa matiyak ang eksaktong dahilan ng insidente, sinabi ng MAWRERT na hindi maaaring isantabi ang posibilidad na may kaugnayan ito sa mga nagdaang seismic activities o iba pang pangyayari sa ilalim ng dagat na maaaring nakaapekto sa kalagayan ng hayop.

Kumuha rin ang rescue team ng tissue samples para sa karagdagang laboratory examination at mga susunod pang pag-aaral.

Nanawagan ang MAWRERT sa publiko na agad iulat sa mga kinauukulang awtoridad ang anumang marine mammal stranding o kahalintulad na insidente upang mapabilis ang pagtugon at makatulong sa patuloy na pag-aaral at pangangalaga sa mga yamang-dagat ng lalawigan. -- Marinduquenews.org