BOAC, Marinduque -- Idineklarang adopted son ng lalawigan ng Marinduque si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. nitong Lunes, Disyembre 15.
Sa isang espesyal na pagtitipon ng mga gobernador sa bansa, personal na iniabot ni Gobernador Melecio Go kay Pangulong Marcos Jr. ang executive order na nagtataglay ng naturang deklarasyon.
"Gov. Mel Go brought his gift to President Bongbong Marcos. An Executive Order naming President BBM an adopted son of Marinduque—in our tradition of recognizing friends and benefactors of the Province," pahayag ng gobernador sa kanyang social media page.
Pinasalamatan din ng gobernador ang pangulo sa kanyang patuloy na serbisyo para sa bansa. "Salamat po sa inyong paglilingkod, Mr. President!" ani Go.
Matatandaan na nakapagtala si Marcos ng 54,145 boto sa Marinduque noong 2022 presidential election, mas mataas ng 1,016 kumpara kay Leni Robredo na may 53,129 lamang na boto.
Ang pagkilala bilang adopted son ng lalawigan ay itinuturing na simbolo ng pagpapahalaga at suporta ng mga Marinduqueño sa pangulo. (Photo: Gov. Mel Go/FB) -- Marinduquenews.com
