BOAC, Marinduque -- Isa si Marinduque representative Reynaldo Salvacion sa 257 na mga mambabatas na bumoto pabor para ma-impeach sa ikalawang pagkakataon si Vice President Sara Duterte matapos itama ng Kamara ang bilang ng boto nitong Lunes ng gabi, Mayo 11.
Ayon kay House Senior Deputy Speaker Ferdinand Hernandez, mula sa naunang 255 ay naging 257 ang affirmative votes para sa pagpapatibay ng articles of impeachment laban sa Bise Presidente. Samantala, bumaba naman sa 25 mula 26 ang mga tumutol, habang nanatili sa 9 ang abstentions.
Sa kabila ng pagwawasto, nananatiling lampas sa kinakailangang one-third vote o 106 sa kabuuang 318 miyembro ng Kamara ang bilang ng mga sumuporta sa impeachment.
Kabilang sa mga alegasyon laban kay Duterte ang umano’y maling paggamit ng P612.5 milyon na confidential funds, panunuhol, hindi maipaliwanag na yaman sa kanyang Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth o SALN, at grave threats matapos umano niyang sabihin na kumuha siya ng assassin laban sa matataas na opisyal ng gobyerno.
Samantala, naipadala na ng Kamara ang articles of impeachment sa Senado para sa inaabangang paglilitis sa pangalawang pangulo. -- May kasamang ulat mula sa PTV/Marinduquenews.org
