BOAC, Marinduque -- Nahaharap sa kasong kriminal at administratibo sa Office of the Ombudsman sina Marinduque Governor Melecio Go at Provincial Legal Officer Benedict Cartagena kaugnay ng umano’y paghadlang sa pagpapatupad ng $100-million settlement para sa pinsalang pangkapaligiran na dulot ng Marcopper mining disaster.
Sa 65-pahinang complaint-affidavit na inihain nitong Biyernes, Nobyembre 13, inakusahan ng tatlong residente ang dalawang opisyal ng gross neglect of duty, conduct prejudicial to the best interest of the service, at paglabag sa Sections 3(a), 3(f), at 3(k) ng Anti-Graft and Corrupt Practices Act.
Ayon sa mga nagrereklamo, paulit-ulit umanong kinuwestiyon nina Go at Cartagena ang kasunduan sa pagitan ng pamahalaang panlalawigan at Barrick Gold Corp., sa kabila ng pag-apruba rito ng Court of Appeals at mga resolusyon ng Sangguniang Panlalawigan na nag-aatas sa pagpapatupad nito.
BASAHIN: ₱3.2B paunang bayad sa settlement agreement ng Barrick Gold, naideposito na
Sentro ng reklamo ang umano’y pagtanggi ni Go na lumagda sa joint instructions para sa pagpapalabas ng paunang $50 milyon mula sa escrow account na nakalagak sa JPMorgan Chase Bank sa Singapore.
Inakusahan din si Cartagena na nakialam sa proseso matapos umano siyang sumulat sa JPMorgan noong Oktubre 14 upang hilinging manatiling bukas ang escrow account.
Samantala, iginiit ng pamahalaang panlalawigan na hindi na kinakailangan ang lagda ni Go matapos lumampas ang termination date ng escrow agreement. Ayon sa Kapitolyo kinumpirma rin umano ng bangko na maaaring maglabas ang Barrick ng unilateral instructions para mailabas ang pondo.
Noong Oktubre 16, tuluyang nailipat ang paunang bayad na nagkakahalaga ng humigit-kumulang $50.71 milyon sa itinalagang trust fund account ng pamahalaang panlalawigan.
BASAHIN: 8 bokal, iginiit kay Go na igalang ang desisyon ng CA
Itinanggi naman ni Go na tinututulan niya ang settlement agreement. Nilinaw niyang ang kanyang kinukuwestiyon ay ang umano’y 25-porsiyentong contingency fee na hinihingi ng dating legal counsel ng probinsya na SedaLAW mula sa kabuuang settlement proceeds.
Sa isang public consultation noong Nobyembre 9, sinabi ni Go na hindi ang $100-million settlement agreement ang kanyang tinututulan kundi ang hinihinging bayad ng mga abogado.
Binigyang-diin din ng gobernador ang pangangailangan ng mga teknikal na pagsusuri at pakikipag-ugnayan sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) at iba pang eksperto bago simulan ang mga gawaing rehabilitasyon upang matiyak ang pagkakaroon ng komprehensibong plano para sa mga apektadong komunidad.
BASAHIN: Kampo ni Go, ligwak sa SedaLaw; 25% contingency fee, makatwiran ayon sa CA
Bukod dito, kinuwestiyon din ng mga nagreklamo ang umano’y pagtutol ni Go sa Provincial Ordinance No. 250, na may kaugnayan sa paggamit ng settlement funds para sa rehabilitasyon.
Giit naman ng mga nagrereklamo, nagdulot umano ng kawalan ng katiyakan at pagkaantala sa rehabilitasyong pangkapaligiran ang mga hakbang ng dalawang opisyal.
Hiniling ng mga residente sa Ombudsman na panagutin sina Go at Cartagena kaugnay ng kanilang mga umano’y ginawa at pagkukulang sa pagpapatupad ng kasunduang inaprubahan ng korte.
Wala pang pinal na desisyon ang Ombudsman sa mga reklamong inihain laban sa dalawang opisyal. -- Marinduquenews.org
Bukas ang MNN para sa pahayag nina Gov. Melecio Go at Atty. Benedict Cartagena.
