BOAC, Marinduque -- Personal na binisita ni Gov. Melecio Go nitong Sabado, Enero 31 ang kasalukuyang ginagawang bagong paaralang pansekondarya sa Brgy. Poctoy, Boac — ang Romeo Mataac National High School (RMNHS).
Inumpisahang itayo nito lamang Agosto 2025, magagamit na ng Grade 7 learners ang naturang eskwelahan sa pagbubukas ng Taong Panuruan 2026-2027 sa darating na Hunyo.
Ayon kay Go, malaking tulong ang RMNHS sapagkat hindi na kakailanganin pang mamasahe at gumastos ng malaki para lamang pumasok sa bayan ang mga high school students na residente ng Ilaya Cluster II.
Pinasalamatan din ng gobernador ang pamilya Mataac na naging instrumento para maitayo ang paaralan lalo na sa mag-asawang Celso Jr at Vilma Mataac kasabay ang panawagan sa mga mamamayan ng Brgy. Poctoy at karatig barangay na tangkilikin ang RMNHS.
"Nagpapasalamat ako sa pamilya Mataac dahil sila ang nagdonate ng lupa na pinagtayuan ng paaralang ito. Sila rin ang nagbigay ng pondo para maipatayo ang apat na classroom ng RMNHS na umabot, I understand sa humigit ₱5-milyon," wika ng punong lalawigan.
Malugod namang ibinalita ni Go na naglaan din ng pondo ang pamahalaang panlalawigan para maipatayo ang karagdagang silid-aralan kung saan taon-taon ay inaasahang madaragdagan ang antas hanggang makompleto ang senior high school.
Ang Romeo Mataac National High School ay mayroong apat na silid-aralan kung saan ilan dito ay magsisilbing library at computer laboratory. Kompleto na sa mga upuan, lamesa at libro ang bagong tayong istruktura. May nakalaan na ring 15 computer sets, electric fans, microscope, Smart TV at iba pang gamit pang-eskwela.
Ito ay ipinangalan sa dating guro sa bayan ng Boac na si G. Romeo Mayorga Mataac o mas kilala bilang Tiyo Roming tanda ng pagkilala sa kanyang natatanging kontribusyon sa sektor ng edukasyon.
Samantala, tumatanggap na ng Grade 7 learners ang RMNHS para sa SY: 2026-2027, magtungo lamang sa tanggapan ng punong guro at hanapin si Nelsie Mampusti. -- Marinduquenews.com
