Sunday, February 1, 2026

, ,

Ambulansya na reresponde sa naaksidenteng SUV sa Boac, nahulog sa palayan



BOAC, Marinduque — Nahulog sa palayan ang isang ambulansya sa Brgy. Cawit, Boac, sanhi ng madulas na kalsada dulot naman ng patuloy na pag-ulan, umaga ng Linggo, Pebrero 1.

Ayon sa ulat, reresponde sana ang ambulansya ng Marinduque Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) sa isang pulang SUV na nauna nang naaksidente sa kaparehong lugar bandang alas-8:17 ng umaga.

Batay sa paunang imbestigasyon, ang pulang SUV ay patungo sana sa Brgy. Duyay nang mawalan ng kontrol ang driver, dahilan upang mahulog sa isang maliit na bangin. Driver lamang ang sakay ng SUV sa oras ng aksidente.

Samantala, habang patungo sa lugar ng insidente, nadulas din ang ambulansya at tuluyang nahulog sa palayan. Sakay ng ambulansya ang isang driver at isang rescuer.

Sa kabutihang-palad, ligtas at walang naiulat na malubhang pinsala sa lahat ng sakay ng parehong sasakyan. Patuloy namang pinaaalalahanan ng mga awtoridad ang mga motorista na mag-ingat sa pagmamaneho, lalo na sa mga madudulas na kalsada tuwing may masamang panahon. -- Marinduquenews.com