TORRIJOS, Marinduque -- Tatlong katao ang sugatan sa naganap na banggaan ng isang kotse at owner-type jeep sa national road sa Brgy. Cabuyo, Torrijos, Marinduque, gabi ng Huwebes, Pebrero 26.
Kinilala ang driver ng kotse sa alyas na Orio, 55 taong gulang, residente ng Brgy. Poblacion, Torrijos na may sakay na dalawang pasahero habang ang driver ng owner-type-jeep ay kinilala sa alyas na Adam, 54 anyos at residente ng Brgy. Cabuyo.
Batay sa imbestigasyon ng Torrijos Municipal Police Station, bandang 11:45 ng gabi, nilalakbay ng pulang kotse ang national road patungong Barangay Poblacion nang biglang mawalan umano ng kontrol sa manibela ang driver ng owner-type jeep habang binabagtas ang kurbadang bahagi ng kalsada patungong Barangay Tigwi.
Lumalabas sa paunang ulat na nasa impluwensya umano ng alak ang driver ng owner-type-jeep dahilan upang masakop nito ang linya ng kotse na nagresulta sa banggaan.
Sa lakas ng pagkakabangga, nawasak ang harapan ng kotse habang nasira rin ang kaliwang bahagi ng owner-type-jeep.
Nagtamo ng iba't ibang sugat sa katawan ang parehong driver gayundin ang isang pasaherong sakay ng Toyota vios na agad isinugod sa Torrijos Municipal Hospital para sa agarang lunas habang wala namang naitalang pinsala sa katawan ang isa pang sakay ng kotse.
Patuloy na nagpapaalala ang mga awtoridad sa publiko na huwag magmaneho kung nasa impluwensya ng alak upang maiwasan ang kaparehas na uri ng aksidente. -- Marinduquenews.org
