Wednesday, March 4, 2026

, ,

DOLE nagbigay ng manicure, pedicure kits sa mga magulang ng child laborer sa Marinduque


BOAC, Marinduque — Nakatanggap ng mga kagamitan para sa manicure at pedicure ang apat na magulang ng mga child laborer (PCL) sa lalawigan ng Marinduque mula sa Department of Labor and Employment (DOLE) sa pamamagitan ng DOLE Integrated Livelihood Program o DILP.

Ipinagkaloon ang naturang mga livelihood kits sa mga benepisyaryo na nagmula sa mga bayan ng Mogpog, Gasan, Santa Cruz, at Boac. Ito ay pinangunahan ni DOLE Marinduque head Marjun Moreno kung saan layunin nitong mapalawak ang oportunidad sa kita ng mga magulang, mapabuti ang kalidad ng kanilang serbisyo, at mapanatili ang kanilang maliliit na negosyong tumatakbo na sa loob ng walo hanggang sampung taon.

Bukod sa mga kagamitan, binigyan din ang mga benepisyaryo ng pagsasanay upang higit pang mapaunlad ang kanilang kaalaman sa pamamahala ng negosyo. Tinalakay ni Livelihood Development specialist Ralph Ryan Malinao ang mahahalagang paksa tulad ng financial management, tamang pagbabadyet, pag-iimpok, at wastong paggamit ng tulong pangkabuhayan upang masiguro ang tuloy-tuloy na pag-unlad ng kanilang hanapbuhay.

Nagpahayag naman ng pasasalamat ang isa sa mga benepisyaryo na si Anna Joy Dela Peña. “Napakalaking tulong po dahil talagang magagamit namin sa paghahanap-buhay para may pandagdag sa pag-aaral ng aming mga anak. Sana po ay marami pang matulungan ang DOLE na mga katulad namin,” aniya.

Patuloy na pinagtitibay ng DOLED ang kanilang pangako na tulungan at bigyang-kapangyarihan ang mga pamilyang kabilang sa mga vulnerable sector sa pamamagitan ng mga programang pangkabuhayan na pangmatagalan. Bahagi ang inisyatibong ito ng mas malawak na pagsisikap ng pamahalaan na maiwasan ang child labor sa bansa sa pamamagitan ng pagpapalakas sa kakayahang pang-ekonomiya ng mga magulang at tagapag-alaga. -- Marinduquenews.org