BOAC, Marinduque — Bumisita sa lalawigan ng Marinduque si Senador Erwin Tulfo para sa isang produktibong konsultasyon kasama ang mga lokal na opisyal na pinangunahan ni Gobernador Melecio Go, mga kinatawan ng lokal na pamahalaan, at iba pang stakeholders, bilang bahagi ng patuloy na pagsisikap na ilapit ang serbisyo ng gobyerno sa mga mamamayan.
Sa isinagawang Stakeholders Consultation, tinalakay ang ilang mahahalagang panukala kabilang ang isinusulong na Simplified Government Aid Access Act na layong pabilisin ang pamamahagi ng ayuda sa pamamagitan ng one-day processing, pagbawas ng requirements, at mas maayos na daloy ng tulong para sa mga nangangailangan.
Kasama rin sa mga napag-usapan ang pagpopondo ng karagdagang school buildings sa lalawigan. Ayon kay Sen. Tulfo, nakapaloob na sa General Appropriations Act (GAA) ang pondo para sa konstruksyon ng mga silid-aralan st school building sa higit 10 paaralan sa Marinduque, kabilang ang tatlong-palapag na gusali na may sapat na pasilidad tulad ng palikuran at suplay ng tubig. Mayroon din umanong naka-line up na pondo para sa classroom construction hanggang taong 2031.
Binigyang-diin din ng senador ang kahalagahan ng pagpapabuti ng access routes at interconnectivity sa rehiyon upang mas marami pang turista at mamumuhunan ang makadayo sa tinaguriang “Heart of the Philippines.” Kasama sa mga isinusulong ang Mimaropa interconnectivity sa susunod na GAA at ang suporta sa planong Diamond Route na pinangungunahan ng pamahalaang panlalawigan.
“Patuloy tayo sa ginagawa natin na paglapit ng serbisyo ng gobyerno sa tao, lalo na sa mga rehiyon tulad ng Mimaropa. Maraming salamat sa mainit na pagtanggap, Marinduque,” pahayag ni Sen. Tulfo.
Nagpasalamat naman si Go sa pagbisita ng senador at binigyang-diin ang kahalagahan nito para sa lalawigan. “Kayo po ang kauna-unahang senador na bumisita sa aming lalawigan sa ilalim ng aking pamumuno kaya lubos ang aming pasasalamat sa inyong pagdating,” wika ng gobernador.
Ipinahayag din ni Tulfo ang kanyang personal na pag-unawa sa kalagayan ng mga probinsya, dahil siya ay lumaki sa Palawan. Aniya, batid niya ang pakiramdam ng mga lalawigang napag-iiwanan ng kaunlaran, kaya’t patuloy niyang isusulong sa Senado ang mga programang tutugon sa pangangailangan ng mga rehiyon.
Bilang pagtatapos, sinabi ng senador na patuloy niyang susubaybayan ang mga isyung kinahaharap ng Mimaropa at target niyang bumisita sa Marinduque kung may pagkakataon, upang mas mapalakas pa ang ugnayan ng pambansang pamahalaan at ng lalawigan. -- Photo courtesy: Marinduque Tourism and Cultural Office/Marinduquenews.com
