Tuesday, March 10, 2026

,

Serbisyo sa Kapitolyo, 5 araw pa rin


BOAC, Marinduque — Maaaring pumili ang mga kwalipikadong empleyado ng pamahalaang panlalawigan ng Marinduque ng apat na araw na compressed workweek, alinman mula Lunes hanggang Huwebes o Martes hanggang Biyernes, bilang bahagi ng hakbang ng gobyerno upang makatipid sa enerhiya habang tinitiyak ang tuluy-tuloy na serbisyo publiko.

Ito ang nakapaloob sa Memorandum Circular No. 16, Series of 2026 na nilagdaan at inanunsyo ni Governor Melecio Go kung saan ay ipatutupad ang pansamantalang apat na araw na workweek simula Lunes, Marso 9.

Layunin ng nasabing work arrangement na matiyak na patuloy na makapagbibigay ng serbisyo ang pamahalaang panlalawigan mula Lunes hanggang Biyernes, upang hindi maantala ang operasyon ng gobyerno.

Batay sa memorandum, kinakailangang pumasok sa opisina mula 7:00 am hanggang 6:00 pm ang mga kwalipikadong empleyado na may 10 oras kada araw, hindi kasama ang isang oras na meal break, upang makumpleto ang 40 oras na trabaho bawat linggo.

Nilinaw naman ni Go na walang tanggapan ng pamahalaang panlalawigan ang magsasara tuwing Biyernes dahil lamang sa pagpapatupad ng compressed workweek.

Magpapatupad ang mga opisina ng angkop na staffing schedules upang matiyak na mananatiling bukas at handang maglingkod ang bawat opisina sa buong regular na linggo ng trabaho.

Alinsunod sa direktiba mula sa MalacaƱang, hinihikayat ang mga tanggapan ng pamahalaan na magsagawa ng mga hakbang sa pagtitipid ng enerhiya kasunod ng pagtaas ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado dulot ng nagpapatuloy na krisis sa Gitnang Silangan. -- Marinduquenews.org