SANTA CRUZ, Marinduque — Anim katao kabilang ang drayber ang nasugatan matapos mahulog sa bangin ang isang puting van sa Sitio Ilaya II, Brgy. Dolores, Santa Cruz, Marinduque nitong Sabado ng hapon, Marso 28.
Batay sa ulat ng Marinduque Police Provincial Office, naganap ang insidente bandang 2:55 pm habang binabagtas ng sasakyan ang daan patungong Barangay Aturan.
Ang naturang sasakyan ay minamaneho ng isang 43 anyos, na lalaki, residente ng Brgy. Muzon, San Jose del Monte City, Bulacan.
Ayon sa imbestigasyon ng Santa Cruz Municipal Police Station (MPS), nawalan ng kontrol sa manibela ang drayber matapos hindi mapansin ang kurbadang bahagi ng kalsada. Dahil dito, dumiretso ang sasakyan at nahulog sa bangin.
Nagtamo ng minor injuries ang drayber at limang pasahero ng van. Agad silang dinala sa Santa Cruz District Hospital upang mabigyan ng kaukulang lunas.
Samantala, nagpaalala ang awtoridad sa mga bakasyunistang motorista na magdahan-dahan sa pagmamaneho lalo na kung hindi pamilyar sa sitwasyon ng kalsada sa isang lugar. -- Marinduquenews.org
