TORRIJOS, Marinduque — Nasawi ang isang lalaki matapos bumangga ang kanyang minamanehong motorsiklo sa poste ng Marelco sa Sitio Mabucda, Brgy. Buangan sa bayan ng Torrijos nitong Biyernes Santo, Abril 3.
Batay sa salaysay ng mga nakasaksi, dakong alas-9:45 ng gabi nang maganap ang insidente habang binabaybay ng biktima ang national road patungong Poblacion, Torrijos.
Ayon sa imbestigasyon, bigla na lamang umanong sumalpok ang motorsiklo ng biktima sa isang poste na nakatayo sa gitnang bahagi ng ginawang road widening sa lugar.
Agad namang rumesponde ang mga awtoridad at isinugod ang biktima sa Torrijos Municipal Hospital subalit, idineklara itong dead on arrival.
Samantala, muling nagpaalala ang mga awtoridad sa mga motorista na maging maingat sa pagmamaneho at iwasang bumiyahe kung nasa impluwensya ng alak upang maiwasan ang kaparehong trahedya. -- Marinduquenews.org
