Sunday, May 17, 2026

, ,

11 kumpiskadong coconut crab, ibinalik ng BFAR sa Gaspar


GASAN, Marinduque — Pinakawalan pabalik sa kanilang likas na tirahan sa Gaspar Island na sakop ng Brgy. Pinggan, Gasan ang 11 endangered coconut crab o igod matapos itong makumpiska mula sa ilang indibidwal na umano’y nagtangkang magbenta ng mga ito nitong Huwebes, Mayo 14.

Pinangunahan ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), katuwang ang Gasan Municipal Agriculture Office, ang operasyon bilang bahagi ng pinaigting na kampanya laban sa ilegal na panghuhuli at bentahan ng mga endangered species.

Ayon kay BFAR Provincial Fishery Officer Joel Malabanan, nakatanggap umano sila ng impormasyon mula sa PNP Maritime hinggil sa bentahan ng coconut crab kaya agad nila itong inaksyunan.

Batay sa ulat, nahuli ng Gasan Municipal Police Station ang ilang indibidwal na sangkot umano sa pagbebenta ng mga nasabing hayop.

Matapos makumpiska, agad na isinailalim sa wastong proseso ang mga coconut crab upang matiyak na ang ligtas na pagbabalik sa kanilang natural habitat sa Gaspar Island.

Sinabi pa ni Malabanan na nakasaad sa Republic Act No. 10654 na nag-aamyenda sa Philippine Fisheries Code of 1998 na ipinagbabawal ang pangingisda, paghuli, pagbebenta, pagbili, pagmamay-ari, at pagdadala ng mga rare, threatened, at endangered aquatic species.

“Hinihikayat po namin ang lahat na huwag po nating hulihin sapagkat ayon sa batas ito po ay may matinding kaparusahan kung saan maaari pong makulong ng hanggang walong taon ang sinumang lalabag dito,” babala ni Malabanan.

Dagdag pa niya, mahalagang mapanatili ang ganitong uri ng species dahil may malaking papel ang mga ito sa tamang balanse ng kalikasan.

Patuloy namang hinihikayat ng BFAR at iba pang awtoridad ang publiko na makiisa sa pangangalaga sa kalikasan at agad ireport ang anumang ilegal na aktibidad laban sa mga endangered species tulad ng coconut crab o Birgus latro. -- May kasamang ulat mula kay Dennis Pio C. Nebrejo, PIA/Marinduquenews.org