Thursday, May 28, 2026

, ,

Trike driver patay, 3 pasahero sugatan sa vehicular accident sa Boac


BOAC, Marinduque -- Binawian ng buhay ang isang tricycle driver habang sugatan naman ang tatlong pasahero matapos masangkot sa vehicular accident sa kahabaan ng national road sa Brgy. Daypay, Boac, nitong Sabado ng gabi, Mayo 23.

Kinilala ang nasawi na si Nelson Lambon, 42-anyos, residente ng Brgy. Mercado ng naturang bayan.

Batay sa ulat ng Boac Municipal Police Station, naganap ang insidente bandang 9:15 p.m. na kinasangkutan ng tricycle ni Lambon, isang Isuzu DMAX na nakarehistro sa DPWH Marinduque Engineering District, at isa pang nakaparadang tricycle.

Ayon sa imbestigasyon, binabaybay umano ng tricycle ni Lambon ang naturang kalsada patungong Poblacion, Boac nang bigla itong mabangga ng kasalubong na Isuzu DMAX na minamaneho ni Gerard Malabayabas, 41-anyos, residente ng Brgy. Daypay.

Sa salaysay ng isa sa mga pasahero ng tricycle, umano’y lumihis sa kanilang linya ang pickup truck dahilan upang magbanggaan ang dalawang sasakyan. Samantala, sinabi ni Malabayabas na sinubukan umano niyang iwasan ang tricycle na nasa kabilang linya ngunit aksidente pa rin niya itong nabangga bago tuluyang sumalpok sa isa pang nakaparadang tricycle.

Nagtamo ng matinding pinsala sa ulo at iba’t ibang bahagi ng katawan si Lambon habang sugatan din ang kaniyang mga pasahero. Agad silang isinugod sa Marinduque Provincial Hospital ng mga rumespondeng personnel ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) kung saan dakong 11:12 p.m. ay idineklarang dead on arrival ang tricycle driver.

Samantala, hindi naman nasugatan ang driver ng pickup truck na kasalukuyang nasa kustodiya ng pulisya habang inihahanda ang kasong reckless imprudence resulting in homicide, multiple physical injuries, at multiple damage to property na ihahain sa Office of the Provincial Prosecutor. -- Marinduquenews.org