BOAC, Marinduque -- Tumanggap ng tig-₱5,000 fuel subsidy ang mga jeepney driver sa lalawigan ng Marinduque ngayong Miyerkules, Mayo 6, sa isinagawang payout activity sa Brgy. Buliasnin, Boac.
Pinangunahan ni Department of Social Welfare and Development (DSWD)-Marinduque Team Leader Helen Alcoba katuwang ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang pamamahagi ng nasabing cash assistance para makatulong sa patuloy na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.
Tinatayang nasa 329 na benepisyaryo mula sa anim na bayan ng Marinduque ang makatatanggap ng naturang subsidiya.
Nagpasalamat naman ang mga tsuper sa ayuda na malaking tulong umano sa kanilang pangaraw-araw na pasada at kabuhayan. -- Marinduquenews.org
