Thursday, October 22, 2026

₱3.2B paunang bayad sa settlement agreement ng Barrick Gold, naideposito na

 

BOAC, Marinduque — Naideposito na sa trust fund account ng pamahalaang panlalawigan ng Marinduque ang paunang bayad na $50.71 milyon o katumbas ng humigit-kumulang ₱3.22 bilyon mula sa settlement agreement ng Barrick Gold Corp.

Sa programang Love Lyn Angeles, kinumpirma ni Marinduque Council for Environmental Concerns (Macec) officer at former vice governor Adeline Angeles na matagumpay na nailipat ang pondong nagkakahalaga ng $50,711,586, o ₱3,216,635,899.98 batay sa kasalukuyang umiiral na palitan na ₱63.43 kada dolyar, noong Biyernes, Oktubre 16, sa pamamagitan ng escrow agent na JPMorgan Chase & Co.

Ayon kay Angeles, nangyari ang paglilipat ng pondo sa kabila ng hindi paglagda ni Gov. Melecio Go sa joint instructions na dapat sana ay magpapahintulot sa pormal na paglalabas ng pera mula sa escrow account.

“Supposedly, ang gagawin ay ang Barrick at ang provincial government ay gagawa ng joint instructions doon sa escrow agent at sasabihin na, ‘Okay, i-release na ninyo ’yong pera sa provincial government.’ So, agad na pumirma ang Barrick, pero ang ating iginagalang na gobernador ay hindi pumirma diyan sa joint instructions na iyan,” pahayag ni Angeles.

BASAHIN: Tagas ng basurang mina mula sa San Antonio Pit, patuloy na sumisira sa ilog ng Mogpog

Gayunman, nagpasya ang Barrick na atasan ang JPMorgan Chase & Co. na ilipat ang pondo matapos matanggap ang liham mula sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) at ang iba pang dokumentong kinakailangan sa ilalim ng kasunduan.

Ang nasabing halaga ay bahagi ng kabuuang $100 milyong settlement agreement sa pagitan ng pamahalaang panlalawigan at Barrick, na kumakatawan sa halos ₱6 bilyon, kaugnay ng matagal nang legal na laban sa pinsalang pangkapaligiran na iniugnay sa operasyon ng Marcopper Mining Corp. sa lalawigan.

Batay sa 32-pahinang desisyong inilabas noong Oktubre 3, 2025, pinagtibay ng dating 10th Division ng Court of Appeals ang settlement agreement at ibinasura with prejudice ang writ of kalikasan na inihain noong 2011, na nagresulta sa tuluyang pagwawakas ng kaso.

BASAHIN: Kampo ni Go, ligwak sa SedaLaw; 25% contingency fee, makatwiran ayon sa CA 

Sa ilalim ng kasunduan, babayaran ng Barrick ang kabuuang $100 milyon sa loob ng tatlong taon. Ang kumpanya ang bumili sa dating shareholder ng Marcopper na Placer Dome. Ilalagak muna ang pondo sa escrow account bago ilipat sa account ng pamahalaang panlalawigan para sa mga layuning pinahihintulutan ng kasunduan at kapakinabangan ng probinsya.

Samantala, ang natitirang $50 milyon ay babayaran sa tatlong hulugan: tig-$17 milyon sa una at ikalawang anibersaryo ng paunang bayad, at ang huling $16 milyon sa ikatlong anibersaryo. -- Marinduquenews.org