Tuesday, May 5, 2026

, ,

2 katao na sangkot sa illegal quarrying sa Marinduque, kinasuhan


BOAC, Marinduque -- Nahaharap sa kasong kriminal ang dalawang indibidwal dahil sa umano’y paglabag sa Section 103 o Theft of Minerals ng Republic Act No. 7942, o ang Philippine Mining Act of 1995.

Pormal na isinampa ang kaso laban sa mga suspek sa Provincial Prosecutor’s Office nitong Abril 28, kasunod ng isinagawang joint validation at enforcement operation noong Abril 27 kung saan ang isa ay residente ng Quezon province ngunit naninirahan sa Santa Cruz, samantalang ang isa ay taga Santa Cruz mismo.

Pinangunahan ang operasyon ng Department of Environment and Natural Resources (DENR)-Marinduque, katuwang ang Mines and Geosciences Bureau (MGB) at ang Philippine National Police (PNP).

Sa isinagawang operasyon, nakumpirma ng mga awtoridad na ilegal na kumukuha at naghahakot ng buhangin at graba ang mga suspek sa Brgy. Balagasan, Boac nang walang kaukulang quarry permit o pahintulot mula sa gobyerno.

Nakumpiska at inilagay sa kustodiya ng DENR ang mga kagamitang ginamit sa ilegal na aktibidad, kabilang ang isang Isuzu Giga dump truck na may lamang buhangin at isang LiuGong 855H loader na ginagamit sa paghuhukay.

Ayon sa ulat, nang mahuli ang dump truck ay may karga itong humigit-kumulang isang-kapat ng kapasidad nito na tinatayang aabot sa 17 cubic meters kapag puno.

Nagsimula ang aksyon ng mga awtoridad matapos makatanggap ng mga reklamo mula sa mga residente, pati na rin sa mga ulat sa social media na may kalakip na larawan at video. Ipinakita umano sa mga ito ang walang pahintulot na pagkuha ng buhangin sa bahagi ng Boac River, na sinasabing nakaapekto na sa lokal na suplay ng tubig.

Binigyang-diin ng DENR na ang ilegal na pagkuha ng mineral ay may kaakibat na parusa sa ilalim ng batas. Iginiit din ng ahensya ang kanilang patuloy na kampanya upang maprotektahan ang mga watershed, maipatupad ang mga batas pangkalikasan, at mapangalagaan ang likas-yaman para sa kapakinabangan ng komunidad.

Nanawagan din ang DENR, kasama ang mga katuwang na ahensya, sa publiko na maging mapagmatyag at agad iulat ang anumang ilegal na aktibidad na nakasisira sa kalikasan. Ayon sa kanila, mahalaga ang pakikilahok ng komunidad upang matiyak ang napapanatiling pangangalaga sa mga likas-yaman ng bansa. -- Marinduquenews.org