Tuesday, May 5, 2026

, ,

Nawawalang residente ng Gasan, patay na nang matagpuan sa Pola


POLA, Oriental Mindoro -- Nauwi sa malungkot na balita ang ilang araw na paghahanap sa nawawalang residente ng Brgy. Pangi, Gasan, Marinduque matapos itong matagpuan na wala nang buhay, madaling araw ng Lunes, Mayo 4 sa dalampasigan sakop ng bayan ng Pola, Oriental Mindoro.

Ayon sa ulat, natagpuan ng ilang residente ang katawan ni Armando Sapunto, 48-anyos, bandang 2:30 a.m. na sumadsad sa baybayin matapos mapadpad sa nasabing lugar.

Agad na rumesponde ang mga awtoridad upang maisagawa ang kinakailangang imbestigasyon at pagproseso sa labi ng biktima.

Matatandaang ilang araw din siyang hinanap ng mga kamag-anak katuwang ang mga awtoridad kasunod ng kanyang pagkawala nitong Abril 29 habang naliligo sa dagat na sakop ng kanilang barangay.

Samantala, batay sa pinakahuling impormasyon, naiuwi na sa kanilang tahanan ang mga labi ng biktima at nakatakdang ilibing ngayong Martes, Mayo 5. -- May kasamang ulat mula sa Gasan Info Updates, Marinduquenews.org