BOAC, Marinduque — Pumanaw na sa edad na 55 ang senior vice president (SVP) ng Educational Systems Technological Institute (ESTI) na si Engr. Lorela V. Nardo, base sa kumpirmasyon ng kanyang pamilya.
Ayon sa anak niyang si Krizzha Anne, mapayapang binawian ng buhay ang kanilang ina nitong Linggo, Hunyo 7.
“It is with heavy hearts that we announce the passing of our beloved Mommy Lori, who peacefully left us on June 7, 2026,” pahayag ni Krizzha sa social media.
Si Nardo, na ipinanganak noong Nobyembre 21, 1970, ay isa sa mga kinikilalang haligi ng ESTI dahil sa kanyang malaking ambag sa pagpapaunlad ng institusyon at sa sektor ng edukasyon sa probinsya.
Nagsilbi rin siya bilang board director ng St. Mary's College of Marinduque Alumni Association mula 2023 hanggang 2025.
Kasalukuyang nakaburol ang kanyang mga labi sa Cosmopolitan Memorial Chapel sa Tandang Sora, Quezon City na magsisimula sa Hunyo 8 hanggang 9 bago iuwi sa kanilang tahanan sa Brgy. Bantauyan, Boac, Marinduque. Inaasahan namang maglalabas pa ng karagdagang impormasyon ang pamilya hinggil sa iskedyul ng kanyang libing.
Nagpahayag din ng pakikiramay ang pamunuan ng ESTI sa pagpanaw ng kanilang opisyal, “Some people enter our lives and leave footprints that time can never erase. Today, we bid farewell to Engr. Lorela V. Nardo, an extraordinary woman whose life touched so many hearts.”
Samantala, bumuhos sa social media ang pakikiramay mula sa kanyang mga kaibigan, katrabaho, dating estudyante, at mga nakakakilala sa kanya. Marami ang nagbigay-pugay sa kanyang kabutihan, kasipagan, at dedikasyon bilang guro, lider, at lingkod ng komunidad.
"Ma'am Lori, you were truly kind, down to earth, at sobrang sipag mo. Workaholic ka pero hindi yung nakaka-intimidate—yung klase ng taong quietly strong, pero ramdam mo yung leadership at dedication sa lahat ng ginagawa mo," pahayag ni Edna Mapa.
Inilarawan siya bilang isang mabait, mapagkumbaba, at masipag na pinuno na nag-iwan ng positibong impluwensya sa buhay ng maraming Marinduqueño.
Naulila ni Nardo ang kanyang asawa at mga anak na sina Chacha, Tan at Thirdy. -- Marinduquenews.org
