Monday, June 8, 2026

, ,

Coast guard, auxilliary personnel, nakiisa sa Brigada Eskwela sa Torrijos


TORRIJOS, Marinduque -- Nakiisa ang mga kawani at opisyal ng Coast Guard Substation Santa Cruz, Coast Guard Mobile Post Torrijos, at Philippine Coast Guard Auxiliary (PCGA) 510th Squadron Marinduque sa isinagawang Brigada Eskwela sa Payanas at Bayakbakin Elementary Schools bilang paghahanda sa pagbubukas ng klase para sa school year 2026–2027.

Pinangunahan nina Auxilliary Captain Ivy Rioflorido-Diaz, Petty Officer Third Class Leonel Fosana, at Petty Officer Second Class Benjamin Alvarez ang nasabing gawain na naglalayong matulungan ang mga paaralan sa paghahanda ng ligtas, maayos, at kaaya-ayang kapaligiran para sa mga mag-aaral.

Kabilang sa mga isinagawang aktibidad ang pagpipintura ng mga silid-aralan, pader, upuan, at iba pang pasilidad ng paaralan kung saan nasa 15 miyembro ng PCG at PCGA ang boluntaryong nakilahok sa bayanihan.

Ayon kay Atty. Ivy Rioflorido-Diaz, director ng auxiliary squadron sa Marinduque, layunin ng PCG at PCGA na maging katuwang ng mga paaralan sa lalawigan upang matiyak na handa ang mga ito sa pagsisimula ng bagong taong panuruan.

Nagpasalamat naman si Janette Senen Rosas-Medina, guro ng Bayakbakin Elementary School at Enalyn Monteclaro-Villaruel, guro sa Payanas Elementary School sa ipinakitang suporta ng PCG at PCGA sa kanilang mga paaralan.

"Our heartfelt gratitude to the Philippine Coast Guard Sub-Station Santa Cruz and Coast Guard Mobile Post Torrijos for your invaluable support and participation during Brigada Eskwela at Bayakbakin Elementary School” ani Rosas-Medina.

"Thank you for being our partner. May your generosity and selfless service continue to inspire others," wika naman ni Monteclaro-Villaruel.

Maliban sa pagpapanatili ng kaligtasan, seguridad, at pangangalaga sa kalikasan sa mga karagatan ng Pilipinas, hangad din ng PCG at PCGA na maging kabahagi sa Brigada Eskwela taun-taon para sa patuloy na pagtataguyod ng diwa ng bayanihan na direktang mabebenipisyuhan ang mga kabataan at mag-aaral sa bansa. -- Marinduquenews.org