Wednesday, August 19, 2026

,

Marinduque, masiglang nakilahok sa RSTW 2026

TORRIJOS, Marinduque — Masiglang nakiisa ang lalawigan ng Marinduque sa pagbubukas ng 2026 Regional Science, Technology, and Innovation Week (RSTW) na isinagawa nitong Lunes, Agosto 17, sa Torrijos Stadium.

Sa unang pagkakataon, sabay-sabay na isinagawa ang pagdiriwang sa limang lalawigan ng Mimaropa habang nagsilbing host at sentrong lugar ng mga pangunahing aktibidad ang lalawigan ng Romblon.

Sinimulan ang programa sa pamamagitan ng live feed mula sa itinuturing na marble capital ng bansa, kung saan binigyang-diin ni DOST Secretary Renato Solidum Jr. ang layunin ng ahensya na maging mas madaling maunawaan at mas malapit sa mga mamamayan.

Ayon kay Solidum, nakatuon ang DOST sa pagbibigay ng mga solusyon at pagbubukas ng mga oportunidad para sa lahat, alinsunod sa tagline nitong “One DOST for You: Solutions and Opportunities for All.”

Sa Marinduque, isinagawa ang ceremonial na pagpuputong sa mga panauhin bilang simbolo ng mainit na pagtanggap ng lalawigan sa mga kalahok at bisita.

Kabilang sa mga unang aktibidad ang Forum on FISH-I Technology, na nakatuon sa mga makabagong pamamaraan para sa marine aquaculture monitoring at resource assessment.

Isinagawa rin ang ceremonial turnover ng mga galon na ipinagkaloob ng pamahalaang panlalawigan na pinangunahan ni Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office Head Juan Fernandez Jr. at tinanggap naman ng punong barangay ng Maniwaya na si Ana Liza Romasanta.

Ayon kay Romasanta, labis-labi ang kanyang pasasalamat sa DOST para sa mga proyektong ipinagkaloob sa kanilang isla, partikular ang water desalination system na pinondohan ng ahensya at kasalukuyang napakikinabangan ng mga residente.

“Ang isla ng Maniwaya ay masasabi kong talagang napaka-super blessed kaya pasasalamat ang ipinapaabot ko sa inyo,” ani Romasanta

Samantala, dinagsa rin ng mga mag-aaral at kalahok ang mga exhibit na tampok ang iba't ibang teknolohiya na nagpapakita ng mga makabagong sensya at innovation. May mga lokal na produkto ring itinampok at ibinenta ng Marinduque State University at Pamahalaang Bayan ng Torrijos.

Tampok din sa programa ang Itik Pinas Technology Forum, na nakatuon sa pagpapataas ng productivity, profitability at sustainability ng pag-aalaga ng itik. Pinangunahan ito ni Dr. Synan Baguio, direktor ng Livestock Research Division ng DOST-Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development (PCAARRD).

Ipinakita rin sa exhibit ang programa para sa Marine Habitat Restoration through Reef Block Deployment and Coral Planting, isa sa mga patuloy na isinusulong na inisyatiba ng DOST sa Marinduque para sa pangangalaga at pagpapanumbalik ng yamang-dagat.

Ang RSTW ay regional counterpart ng National Science and Technology Week (NSTW) at nagsisilbing platform upang maipakita ang mga programa, serbisyo at adbokasiya ng ahensya, gayundin ang kahalagahan ng agham, teknolohiya at innovation sa lokal na pag-unlad.

Bitbit ng pagdiriwang ang temang “Siyensya, Teknolohiya, at Inobasyon: Kabalikat sa Matatag, Maginhawa, at Panatag na Kinabukasan,” at regional sub-theme na “Science, Technology, and Digital Innovation: Driving Food Security, Sustainable Energy, and National Resilience.”

Nakasentro rin ang pagdiriwang sa regional theme na “Sustain Mimaropa: Biodiversity, Environmental Sustainability, and Natural Resources,” na nagbibigay-diin sa mga science-based solution.

Kabilang pa sa mga nakatakdang aktibidad sa ikalawang araw ay ang Regional Scientific Conference at Forum on Solar-Powered Technologies for Sustainable Development, habang magtatapos ang pagdiriwang sa pagpapakita ng mga videos at paggagawad sa mga mananalong kalahok.

Ipinakikita ng RSTW na ang agham ay hindi lamang pinag-aaralan kundi ginagamit at isinasabuhay bilang katuwang sa pangangalaga ng kalikasan at likas na yaman. -- Marinduquenews.org