BOAC, Marinduque -- Nagsagawa ng inspeksyon sa mga pasilidad ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) sa Marinduque si bagong talagang BJMP Mimaropa regional Director Deogracias Fanio De Castillo, kamakailan.
Layunin ng inspeksyon na masuri ang kalagayan at operasyon ng mga pasilidad, gayundin ang pagpapatupad ng mga programa at polisiya ng BJMP sa mga district jail sa lalawigan.
Sa pakikipag-ugnayan sa mga tauhan, binigyang-diin ni Jail Senior Superintendent De Castillo ang kahalagahan ng disiplina, propesyonalismo, integridad, pagtutulungan at dedikasyon sa tungkulin bilang mahahalagang bahagi ng epektibong paglilingkod sa publiko.
Nagbigay rin si del Castillo ng gabay at paghikayat sa mga jail personnel, partikular sa kanilang mahalagang papel sa pagpapanatili ng kaligtasan at seguridad ng mga pasilidad, gayundin sa pangangalaga, kustodiya at rehabilitasyon ng mga persons deprived of liberty (PDL).
Naging pagkakataon din ang pagbisita upang mapakinggan ng regional leadership ang mga concerns at operational needs ng bawat jail unit at mapalakas ang komunikasyon at koordinasyon sa pagitan ng Regional Office at mga field unit.
Binigyang-diin naman ng pamunuan ng BJMP sa rehiyon ang patuloy nitong commitment na palakasin ang jail management, pangalagaan ang kapakanan at morale ng mga personnel, at tiyakin ang ligtas, maayos, secure at makataong serbisyo sa mga PDL. -- Marinduquenews.org
Thursday, August 13, 2026
News, Regional
Bagong hepe ng BJMP Mimaropa, ininspeksyon ang mga kulungan sa Marinduque
