Saturday, September 5, 2026

,

Ka Rosie, unang babaeng bise-gobernador ng Marinduque, pumanaw sa edad na 96

SANTA CRUZ, Marinduque — Pumanaw na ang unang babaeng nagsilbi bilang bise-gobernador ng lalawigan ng Marinduque na si Rosa E. Lecaroz, mas kilala bilang “Ka Rosie.”

Ayon sa kaanak niyang si Leonee Bunsoy Sto. Tomas, binawian ng buhay si Lecaroz nitong Huwebes, Setyembre 3, matapos makaranas ng mild stroke.

Nitong Agosto 30 lamang ay ipinagdiwang ni Lecaroz ang kanyang ika-96 na kaarawan.

Nagsilbi si Lecaroz bilang bise-gobernador ng Marinduque mula 1992 hanggang 1995. Makalipas ang ilang taon, nahalal naman siya bilang alkalde ng bayan ng Santa Cruz at nagsilbi mula 1998 hanggang 2001, kung saan kinilala siya bilang "centennial mayor.”

Nakaburol ang mga labi ng namayapang lingkod bayan sa Regalia St., Brgy. Maharlika, Santa Cruz habang nakatakda naman ang kanyang libing sa Setyembre 9.

Nagpaabot ng pakikiramay si Santa Cruz Mayor Marisa Red-Martinez sa naulilang pamilya.

“Nawa’y magsilbing alaala at inspirasyon ang kanyang buhay sa lahat ng mga taong nakasama at napamahal sa kanya. Sa panahong ito ng pagdadalamhati, dalangin ko po ang inyong lakas, kapanatagan, at pagdamay sa isa’t isa,” pahayag ni Red-Martinez.

Sa kanyang pagpanaw, iniwan ni Ka Rosie ang isang mahalagang bahagi ng kasaysayan ng lokal na pamahalaan sa Marinduque bilang unang babaeng humawak ng posisyon ng bise-gobernador sa lalawigan. -- Marinduquenews.org