BOAC, Marinduque -- Itinanggi ng kampo ni dating House Speaker at Marinduque representative Atty. Lord Allan Jay Velasco ang alegasyon na siya at ang kanyang asawa ay sangkot sa umano’y paghahatid ng mahigit ₱2 bilyong cash kay Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Atty. Rowell D. Ilagan, tagapagsalita ni Velasco, walang batayan ang mga alegasyon laban sa dating speaker at sa kanyang asawa. Hinimok din niya ang publiko na maging maingat sa pagtanggap sa ulat habang sinusuri ng kanilang kampo ang pananagutan ng mga sangkot.
“The former Speaker of the House's record of service in the government is untainted with corruption and his wife's benevolence is widely known, leaving no basis for the illegal allegations now being suggested,” wika ni Ilagan.
Nag-ugat ang alegasyon sa pahayag ni dismissed Police Corporal Rodulfo “Rudy” Gracioso Jr., na nagsabing nagsilbi siyang head of security ni Velasco mula 2018 hanggang 2022. Ayon kay Gracioso, mahigit 20 beses umano siyang naghatid ng mga maletang may cash kay Duterte sa Metro Manila, Davao at iba pang lugar na may halagang ₱20 milyon hanggang ₱50 milyon bawat transaksyon.
Inihayag din ni Gracioso na naghatid s'ya ng cash kay dating presidente Rodrigo Duterte at Davao City representative Paolo Duterte.
Iniimbestigahan na ng National Bureau of Investigation (NBI) ang kanyang mga pahayag.
Samantala, itinanggi rin ni Vice President Sara Duterte na kilala niya si Gracioso o na nakatanggap siya ng pera mula rito. Sinabi niyang hinihintay ng kanyang mga abogado ang opisyal na kopya ng affidavit mula sa NBI bago sila magsagawa ng legal na hakbang. -- Marinduquenews.org
Saturday, September 26, 2026
National, News
Kampo ni Velasco, itinanggi ang alegasyon ng dating aid tungkol sa ₱2-B cash delivery kay VP Sara
