BOAC, Marinduque — Tinatayang nasa 14 na araw na lamang ang nalalabi bago ang itinakdang deadline upang kompletuhin ng pamahalaang panlalawigan ang mga kinakailangang dokumento para sa tuluyang pagkamit ng $100-million settlement fund sa ilalim ng kasunduan sa pagitan ng Barrick Gold Corporation at Provincial Government of Marinduque (PGM).
Ayon kay environmental advocate at dating bise gobernador Adeline Angeles, mahalaga ang naturang pondo dahil nakatakda itong gamitin para sa rehabilitasyon ng mga lugar na naapektuhan ng pagmimina, kabilang ang mga lugar na patuloy na inaalala dahil sa kondisyon ng Maguila-guila Dam.
BASAHIN: $50M pondo para sa rehab ng Marcopper disaster, naideposito na sa escrow account
Ani Angeles, kinakailangang maumpisahan na sa lalong madaling panahon ang rehabilitasyon upang maiwasan ang mga posibleng panganib sa mga komunidad, lalo na ang banta ng biglaang pagbaha o iba pang sakuna na maaaring idulot ng hindi maayos na kalagayan ng mga mining-affected areas.
Binigyang-diin din ng dating gobernador ang pangangailangan ng mas agresibong pagtutok ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) at ng pamahalaang panlalawigan sa pangunguna nina Gov. Melecio Go at Bise Gobernador Romulo Bacorro, Jr upang matiyak ang maayos na pagpapatupad ng mga nakasaad sa settlement agreement.
BASAHIN: Tagas ng basurang mina mula sa San Antonio Pit, patuloy na sumisira sa ilog ng Mogpog
Nanawagan din siya ng panalangin upang mawala ang mga natitirang balakid sa proseso at tuluyang maisakatuparan ang kasunduan para sa kapakinabangan ng probinsya.
Ang inaasahang $100-million settlement fund ay nakikitang mahalagang mapagkukunan ng pondo para sa mga kinakailangang hakbang sa rehabilitasyon ng mga lugar na naapektuhan ng pagmimina sa Marinduque, lalo na sa mga lugar na nangangailangan ng agarang atensyon para sa kaligtasan ng mga residente at proteksyon ng kapaligiran.
Matatandaang hiniling ng kampo ni Go sa Court of Appeals na bawasan ang 25 porsiyentong contingency fee ng Salazar Enrile Defensor & De Mata Law Offices (SedaLaw) kaugnay ng settlement agreement.
BASAHIN: Kampo ni Go, ligwak sa SedaLaw; 25% contingency fee, makatwiran ayon sa CA
Gayunman, ibinasura ng Court of Appeals ang naturang kahilingan at sa halip ay idineklarang makatwiran, balido at may bisa ang napagkasunduang 25 porsiyentong contingency fee ng law firm. -- Marinduquenews.org
