GASAN, Marinduque — Nasabat ng mga awtoridad ang tinatayang nasa ₱3.54 milyon halaga ng petroleum products at transport equipment sa isinagawang joint police operation sa Brgy. Bachao Ibaba, Gasan, Marinduque nitong Martes, Setyembre 8.
Arestado sa operasyon ang dalawang suspek matapos umanong mahuling nagdi-dispense ng petroleum products gamit ang isang tanker nang walang kinakailangang authority at permit mula sa Department of Energy (DOE), ayon sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at Mimaropa police.
Tinatayang 19,800 litro ng petroleum products ang nakumpiska, kabilang ang 12,000 litro ng premium gasoline, 6,000 litro ng diesel at 1,800 litro ng unleaded gasoline na nagkakahalaga ng humigit-kumulang ₱1.734 milyon.
Kasama rin sa nasabat ang isang blue-and-white na 10-wheeler tank lorry na nagkakahalaga ng tinatayang ₱1.805 milyon, gayundin ang suction hose, official receipt at certificate of registration ng sasakyan, at delivery receipt.
Umabot sa ₱3.538 milyon ang kabuuang tinatayang halaga ng mga nakumpiska sa operasyon.
Nahaharap ang dalawang suspek sa kasong paglabag sa Section 2(a), kaugnay ng Section 3(h), ng Batas Pambansa Blg. 33, na inamyendahan ng Presidential Decree No. 1865, na nagpaparusa sa mga ilegal na gawain kaugnay ng petroleum products. -- Mariduquenews.org
Wednesday, September 9, 2026
Gasan, Local, News
P3.5-M halaga ng petrolyo, nasabat sa Gasan; 2 arestado
